MASAYANG-MASAYA ang milyon-milyong kababayan natin sa ngayon dahil sa nangyaring pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa laban niya kay Timothy Bradley, Jr.
Pero pansamantala lang ang kasayahang ito dahil pagkatapos nilang maipagdiwang ang panalo ni Manny ay back to normal na naman ang buhay ng mga Pinoy.
Pagbalik nila ng kani-kanilang mga bahay ay nag-aantay na naman sa kanila ang kalbaryo na araw-araw nilang pinapasan.
Bagama’t isang linggo lang sa loob ng isang taon ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang Semana Santa, sa totoo lang ay isang buong taon ang penitensyang dinaranas ng mga Pinoy.
Hindi na kasi malaman ng mga Pinoy kung paano nila bubuhatin araw-araw ang krus ng kahirapan, tulad ng napakataas na presyo ng mga bilihin gaya ng pagkain, gasolina, kuryente na pinatitindi pa ng napakataas na buwis na sinisingil ni Kim Henares.
Palpak na nga ang polisiya para sa ekonomiya, mas lalo pang tumitindi ang problema dahil sa napakalalang antas ng kriminalidad na hindi naman masawata ng ating kapulisan sa ilalim ni PNP Director General Alan Purisima.
Ang masakit pa, hindi na nga masawata ng mga pulis ang krimen ay lumalabas pa na sangkot ang ilan sa kanila sa mismong mga iligal na gawain bilang mga protektor ng ilang mga grupong kriminal.
Dagdag pa sa kalbaryo ng mga Pinoy ang walang katapusang problema sa trapiko lalo na sa Metro Manila, na ayon sa isang pag-aaral ay isa sa pinakamalubha sa buong Asya.
Puro porma at pangako lang ang mga namamahala sa trapiko sa bansa na sina MMDA Chairman Francis Tolentino at MRT General Manager Al Vitangcol.
Dahil kasi sa kabiguan nilang malutas ang problema sa trapiko lalo na ang araw-araw na mahabang pila sa MRT, ay naobliga si presidential spokesman Sonny Coloma na payuhan ang publiko na humanap na lang ng ibang masasakyan.
Sa rami ng mga problemang dinaranas ng mga Pinoy araw-araw, walang kaduda-duda na talagang araw-araw ang inaakyat nilang bundok ng kalbaryo.
Kung puwede nga lang sana na mapakiusapan si Pacquiao na lumaban ng boksing araw-araw para naman makalimutan ng sambayanan ang paghihirap na dinaranas nila sa ilalim ng administrasyong ito.
The post KALBARYO NG MGA PINOY TULOY appeared first on Remate.