BAGAMA’T marami ang tutol sa political dynasty, may ilan din namang magandang dahilan kung bakit kailangan ito. Gaya na lang halimbawa sa kaso ng mag-amang sina Sen. Edgardo J. Angara at Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara.
Sa mga hindi nakaaalam, personal na pinili ni dating Pangulong Cory Aquino ang UP president noon na si Senator Angara para sa senatorial slate ng administrasyon na sasabak sa 1987 national elections. Alam kasi ni Tita Cory na instrumental si Angara sa maraming magaqandang pagbabago na naganap sa UP simula nang pamunuan niya ito noong 1981 hanggang 1987.
Pumangatlo si Senator Angara sa resulta ng 1987 senatorial elections at 22 mula sa 24 kandidato ni Pang. Cory ang inihalal bilang mga senador para sa bagong bukas na Kongreso – ang 8thCongress. Ngayon, last term na ni Senator Angara at mahigit 20 taon ang kanyang iginugol para sa paglikha ng mga batas na may kinalaman sa mga reporma sa edukasyon.
Sa madaling salita, natupad ni Sen. Angara ang kahilingan sa kanya ni Pang. Cory na manguna sa laban para sa edukasyon.
Ngayon namang 2013 midterm elections, ang anak naman ni Tita Cory na si Pang. Noynoy ang pumili kay Cong. Sonny na tumakbo bilang senador sa ilalim ng Team PNoy.
Tulad ng naging basehan ni Pang. Cory sa pagpili kay Sen. Angara, track record bilang lawmaker at malinis na pangalan din ang ginawang basehan ni Noynoy sa pagpili kay Sonny.
Kabilang sa mga nilikhang batas ni Sonny ang Universal Kindergarten, UP Charter at ang batas para sa pagtaas ng suweldo ng mga guro. Hindi rin niya kinalimutan ang mga bata na kailangang mabigyan ng special education sa pamamagitan ng SPED centers na itatayo sa lahat ng school division sa buong bansa.
Ito at marami pang iba ang patunay na karapat-dapat si Sonny sa tiwala na ibinibigay ng mga mamamayan sa kanya at sa ama niya. Sila ang pinakamagandang argumento kung bakit minsan hindi rin naman masama kung may tinatawag na political dynasty.
Kung maganda kasi ang puno siguradong maganda rin ang magiging bunga gaya ng kaso ng mga Angara.