MABUTI na lang at nang pauwi na ako sa Marikina galing sa Philippine General Hospital (PGH) kahapon ay nakatutok ako sa Radyo 5 at ang programa nitong “Wanted sa Radyo” nina Raffy Tulfo at Niña Taduran.
Si Niña lamang ang host ngunit nanatiling napakaganda ng programa nila at hitik na hitik sa public service dahil ang kanyang guest ay ang bagong Executive Director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Atty. Roberto Cabrera.
Mapalad ako at iba pang tagapakinig ng Radyo 5 dahil very informative ang buong programa mula simula hanggang dulo dahil sa alam ni Atty. Cabrera ang kanyang trabaho.
At lalong mas alam niya ang kanyang ginagawa. Ang impresyon na nakuha ko mula sa aking narinig ay isa siyang tapat na public servant.
Pinili ko ang salitang public servant imbes na government official dahil ganyan ang naipamalas ni Cabrera sa sandaling guesting niya sa programa nina Raffy at Niña.
Sinsero siya sa kanyang pagnanais na makatulong kahit kanino – commuter man o public utility driver o kahit pa operator.
Makikita mo na tapat siya at hindi plastik kapag kanyang sinabi na, “Puntahan na lang po ninyo ako sa opisina ko para makapag-usap tayo.” O kaya’y, “Puntahan n’yo po ako sa opisina ko para matulungan ko kayo.”
Dama rin ng kanyang kausap ang kanyang katapatan sa pagsabi na, “Gusto ko lang pong makatulong.” Aksyon agad si Cabrera dahil ilang beses niyang sinabi na, “Ipa-o-operate ko na po ‘yan bukas.”
At kahit pa may pasaway na caller na nagsabing makikipagsapalaran na lamang siya sa pagkabit sa may prangkisa – hindi nawala ang kanyang pagiging cool at magalang sa kanyang kausap.
Pinaliwanag niya na kapag pinirmahan na ang kanilang bagong panukala ay malaki ang itataas ng mga multa sa mga kolorum mula sa kasalukuyang P6,000. Para sa mga pampasaherong dyip ay magiging P50,000 na ang multa. Ang mga taxi – P110,000, at mga bus – P2 milyon!
Para sa akin, ang mga tulad ni Cabrera ay isang welcome development sa mga larangan ng governance at public service sa ating bansa.
Bakit kamo?
Ito ay isang indikasyon na kahit hindi perpekto ang ipinangakong “Tuwid na Daan” ng ating Pangulong Noynoy Aquino – ito naman ay matagumpay sa pag-attract o pagkumbinse ng mga tapat na kapwa nating Filipino na magsilbi sa pamahalaan.
Tama ba ako, Jera Sison? Una si Atty. Winston Ginez.
Ngayon naman itong si Atty. Roberto Cabrera!
The post LTFRB: MGA TAPAT SA TUNGKULIN appeared first on Remate.