Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

ANG PAGBALANGKAS SA BANGSAMORO BASIC LAW

$
0
0

puntong-marino-edgard-arevaloSA isa sa ating mga kolum, natalakay natin ang ating masidhing pagnanasa na matuldukan na ang pagrerebelde ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao. Marami nang balakid ang isa-isang nalampasan ng magkabilang panig tungo sa ikatatagumpay ng usapan.

Sa kolum na iyon noong Pebrero 2, 2014, nag-flashback tayo para alalahanin kung paano nabigo ang mga naunang kahalintulad na usapan. Hindi dahil pesimistiko tayo, kundi upang maging aral ang mga kabiguang yaon na ‘di na dapat maulit.

Binangggit natin kung paano at bakit nagkaroon ng MNLF,  MILF at  BIFF. Pagkakaiba ng pananaw ng mga sumunod na lider at kanilang mga naunang mga pinuno. Mula kay Nur Misuari (MNLF) papunta kay Hashim Salamat (MILF), at kay Ameril Umbra Kato (BIFF).

Nagbunga ang hindi pagkakaisa sa pagtatatag ng panibagong grupo na ang mga miyembro naman ay pare-parehong mga tao. Ang tawag sa mga “bagong grupo” na “lost command”, ‘“Misuari faction”, “splintered group”, “renegade group” at iba pang katawagan.

Sa kabuuan, hindi lubos na naipatupad, kung hindi man nabalewala, ang paglagda sa Tripoli Agreement of 1976 sa pagitan ng pamahalaang Ferdinand Marcos at Pamunuang Nur Misuari.

Sumunod na usapang pangkapayapaan ang sa pagitan naman ng pamahalaang Fidel Ramos at pamunuang Misuari na nagbunga ng pagkakatatag ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Hindi iyon nagtagumpay at sinundan ng ilang pag-aalsa ni Misuari na ang pinakahuli ay humantong sa madugong bakbakan sa Zamboanga nu’ng 2013.

Samantala, sumibol ang MILF ni Hashim Salamat na nagkaroon ng panibagong pag-uusap sa panahon ni Pangulong Gloria Arroyo. Nabigo at pinawalang bisa ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na nagresulta sa mas madugong labanan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.

Nagkaroon ng panibagong pag-uusap sa pagitan ni Pangulong Benigno Aquino III at Al Hadj Murad Ebrahim. At bago pa man iyon nalagdaan, matinding bakbakan ang naganap sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at BIFF kung saan mahigit 50 rebelde ang napatay. At naganap ang makasaysayang paglagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng magkabilang panig na sinaksihan ng malalaking personaliidad noong ika-27 ng Marso 2014.

Marami pang kailangang tapusin kagaya ng Bangsamoro Basic Law (BBL) at plebesitong magbibigay pagsang-ayon hinggil sa nasasakupan ng Bangsamoro. Subalit natapos na ang mahahalagang issues gaya ng wealth sharing, power sharing, at normalization, at integration ng mga kwalipikadong miyembro ng MILF sa AFP at PNP.

Sa naganap na pirmahan, napalitan ng Bangsamoro ang ARMM. Ang hamon ngayon ay kung paano maipatutupad iyon hanggang sa ibaba. Halimbawa, may sagupaang naganap sa pagitan ng mga kawal ng Philippine Army at ng mga kasapi ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan noong 11 April 2014 o 15 araw matapos ang paglagda sa CAB.

Labing-walo (18) ang napaulat na napatay—apat na regular na kasapi ng MILF.

Nilinis ng pamunuan ng AFP ang pangalan ng liderato ng MILF. Walang pahintulot mula sa pamunuan ng huli ang pagkakasangkot ng mga miyembro nito sa bakbakan. Tumulong lamang umano ang mga napatay na MILF sa kanilang mga kamag-anak na miyembro ng ASG.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang mga MILF sa bakbakan ng militar at ASG. Kadalasan, hindi na iniuulat ang pagtulong ng ibang grupo—MILF o MNLF– sa dahilang ayaw makadiskaril sa pag-uusap pangkapayapaan na umiiral sa MNLF at sinimulan naman sa MILF.

Ang usapang pangkapayapaan ang mas pinahahalagahan kumpara sa ikinikilos ng iilan lamang na miyembro. Subalit ang tawag sa mga nakakalaban ng mga sundalo noon at ngayon na mga MNLF at MILF ay “lost command”, ‘“Misuari faction”, “splintered group”, “renegade group.”

Sa ating karanasan noon bilang batang opisyal ng Marines, ang rido o giyera sa pagitan ng mga angkan ay pangkaraniwan sa Mindanao. Ang tanong: sa pagitan ng naglalabang angkan, kanino papanig ang MILF na integree sa AFP at PNP? Maliit na issue kung titingnan, subalit ito ang isinasalarawan ng huling kaganapan sa Basilan.

Sa harap ng isang kaaway gaya ng mga kawal ng AFP o kagawad ng pulisya, napasasa-isang tabi ang issue ng batas o katwiran; mas namamayani ang pagiging kamag-anak.

Samakatuwid, ang enforcement ng liderato ng MILF sa kabuuan ng peace agreement ay isa sa mga hamon.

Subalit ang itinuturing kong kritikal at mahalaga ay ang gagawing pagbabalangkas ng BBL na ihahain sa Kongreso dahil nakasalalay roon ang pagpapasa nito bilang isang batas. At dahil sa ito’y isang batas, saklaw ito ng power of judicial review ng Supreme Court (SC) na may kapanagyarihang humatol sa konstitusyonalidad ng batas.

Hindi dapat madaliin ang BBL bagama’t may hinahabol na timetable.

Dapat maging masusi at maingat ang pagbuo nito na hindi magiging isang hiwalay na “bansa’ ang Bangsamoro. Dahil kung magkaganoon, nanganganib na madeklara itong labag sa Konstitusyon. Sapagkat ayon na rin mismo kay Sen. Miriam Santiago, ang pinapayagan ng Saligang Batas ay otonomiya, hindi hiwalay na bansa sa loob ng isang bansa.

Napabalitang “hilaw at kulang-kulang” ang isinumiteng draft ng BBL sa Malakanyang.

Pupunuan ba ito ng mga abogado sa Palasyo upang matupad ang layunin na magkaroon ng batas na maipasa ang Kongreso bago matapos ang 2014 at magka-eleksyon sabay sa 2016? “Hindi,” ayon kay Sec. Herminio Coloma. At hindi dapat dahil baka hindi na naman ito umayon sa kagustuhan ng pamunuan ng MILF.

Magkagayunman, hindi rin naman maaaring hayaan na lang ang 15-man panel na bumubuo ng BBL kung saan karamihan ay walang kasanayan sa batas na hindi sila gigiyahan ng mga abogado ng pamahalaan.

Sapagkat ang pagdedeklara ng SC na unconstitutional ang MOA-AD ay leksyon na dapat natutunan. Alam na rin natin ang mangyayari kung matulad ang BBL sa kapalaran ng MOA-AD.

Parang tumutulay sa alambre. Hangad nating lahat na sana ay matagumpay na marating ang dulo nito.

(Sa inyong reaksyon: edarevalo90@yahoo.com o i-tweet sa atty_edarevalo)

The post ANG PAGBALANGKAS SA BANGSAMORO BASIC LAW appeared first on Remate.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

Latest Images

Vimeo 11.10.1 by Vimeo.com, Inc.

Vimeo 11.10.1 by Vimeo.com, Inc.

Doodle Jump 3.11.36 by Lima Sky LLC

Doodle Jump 3.11.36 by Lima Sky LLC

CHECKPOINT RULES

CHECKPOINT RULES

Trending Articles


Vimeo 11.10.0 by Vimeo.com, Inc.


Patama tagalog quotes – Move On Quotes


Patama Quotes at Selos Quotes


Mothers Day quotes tagalog


Ligaw Quotes – Courting Quotes – Sweet Tagalog Quotes


5 Tagalog Relationship Rules


Best Inspirational Love Quotes Collection


Inggit Quotes and Taray Quotes


Selos Quotes Tagalog Love Quotes


OFW quotes : Pinoy Tagalog Quotes


Pamatay na Banat and Mga Patama Love Quotes


Mga patama Quotes tagalog


Tagalog God Quotes to inspire you


Best Papa jack Love Quotes


Tropa Quotes


Tagalog Movie Hugot Lines


Vimeo 11.10.1 by Vimeo.com, Inc.


tagalog love Quotes – Tiwala Quotes


Cute Crush Quotes and Tagalog Love Text Quotes


Patama Quotes : Tagalog Inspirational Quotes



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>