BAGO mawasak at lubusan nang mapahiya ang liderato ni Quezon City Mayor Herbert “Bistek’ Bautista sa larangan ng serbisyong medikal o pangkalusugan, kailangang balasahin niya kaagad ang pamunuan at mga maling pamamalakad sa Quezon City General Hospital (QCGH).
Sa personal natin na nakita at naranasan kailan lang sa nasabing ospital, tiyak ako na hindi alam ni Mayor Bistek ang nangyayaring kabagalan, kapabayaan at antipatikong pamamalakad ng mga opisyal doon.
Nang ako ay mapasok bilang emergency patient, bumaba ang aking hemoglobin o pulang dugo sa delikadong puntos, ay hinarap naman agad ako ng “emergency officer” na narehistro bilang pasyente. Sa halip na itakbo agad ako sa kuwarto para gamutin ay pinaghintay ako ng mahigit na anim na oras sa isang sulok ng emergency room.
Kumilos lang ang mga animal na tauhan ng ospital nang magtaas ako ng boses dahil hinang-hina na ako.
Mayor Bistek, magpadala ka ng iyong tiktik sa QCGH para malaman mo ang totoong purol na operasyon ng ospital ng lungsod. Ang mga tao ninyo roon at isang tipikal na organisasyon ng ahensya ng pamahalaan na bilang ang bawat kilos.
Kawawa ang mga pasyente ng QCGH lalo na kung mga libre sa bayad dahil mahihirap sila. Nakita ko mismo ang mga namamagang parte ng katawan ng mga pasyente na noong dumating ay simpleng mga putok lang. May mga dapat operahan kaagad pero pinaghintay ng mga doktor at hinarap sa gusto nilang oras!
Ako mismo ay sinabihan ng isang sutil na tao ng ospital na “suwerte kayo dahil payward kayo” kung hindi raw, mababa na ang tatlong araw bago ako maihiga sa isang kama para gamutin.
Inutusan ang kasama ko na dalhin ako sa ultrasound, pagdating namin ay tinanong ako ng doktor kung bakit daw ako naroon!
Sa halip na masalinan lang ako ng dugo, tumaas pati ang aking alta-presyon. Damay pati ang aking sugar level at iba pa.
Sa inis ay nakiusap na ako sa aking doktor na lalabas na ako kahit kailangan pa ang dalawa na mahalagang proseso pero baka mamatay lang ako sa konsumisyon sa magulong sistema ng QCGH.
Ayaw kong mamatay nang walang kuwenta sa kamay ng magugulong pamamaraan ng ospital.
Magbabayad na lang bago tanghali, sinabihan ng ulol na tao sa billing ang aking kasama na magbalik na lang ng alas-dos y media dahil breaktime pa raw ng gunggong na lalaki roon.
Walang breaktime ang lahat ng opisina ng gobyerno lalo na sa mga ospital!
Dahil doon, ako na mismo ang sumugod sa mga opisina na dapat magbigay ng clearance para ako makalabas na sa pesteng patakaran ng QCGH. Kailangan pala sa isang pasyente ay maging matapang, magalit at magwala bago sila umaksyon!
Mayor Bistek, mahusay kang pinuno ng lungsod pero sa ganyan mong mga tauhan, masisira ka nang walang kalaban-laban. Sibakin mo sila kung sinoman ang namumuno roon.
The post MAYOR BISTEK, BALASAHIN MO NA ANG QCGH appeared first on Remate.
