“SA bawat pagkakamali natututo tayo.” ‘Yan ay kasabihan na palagi nating naririnig. Sabi nga walang itatapon basta karanasan ang pinag-usapan, dahil ang ating mga nararanasan ay nagsisilbing guro natin para sa isang mas magandang bukas na ating lalakaran.
Sa Singapore ay nakilala ko ang isang matagumpay na Filipinong naniniwala sa tinatawag na ‘trial and error’ of victory – si Ramon Padiernos. Tubong Gapan, Nueva Ecija si Ramon, subalit lumaki siya sa Las Piñas. Nagtapos siya ng kursong Electronics and Communications Engineering sa FEATI University.
Taong 1991 ay nabigyan siya ng pagkakataong magtrabaho sa Amkor Aman Technology. Ayon kay Ramon, tila ibang mundo ang kanyang ginalawan nang siya ay magtrabaho. Bagama’t nakaranas ng hirap sa trabahong pinasukan ay napagtanto ni Ramon na bagama’t tila mukhang malayo sa kanyang mga napag-aralan sa unibersidad ang kanyang naging trabaho ay mahalagang papel pa rin ang ginampanan ng ‘ika nga niya ay ‘basic foundation’ niya ng pagiging inhinyero.
Taong 1992 nang magsimula ang pakikipagsapalaran niya sa Singapore nang mabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa isang kompanyang gumagawa ng mga microchip. Naranasan ding magtrabaho ni Ramon sa ilan pang kompanya roon gaya ng Texas Instruments at National Semi Conductor.
Dahil sa likas na kasipagan na kanyang ipinapamalas sa trabaho, napansin ng isang negosyanteng Pranses na nagbabalak na magbukas ng isang micro electronics factory sa Singapore ang kakayahan ni Ramon, kaya agad siya nitong inalok ng trabaho.
Aminado si Ramon na mayroon siyang kaba at takot noong una, subalit ayon sa kanya agad niyang iwinaksi ang takot at inalis ang pangamba. Maliban sa pagkakaroon ng bagong trabaho ay naranasan din ni Ramon na ipadala siya sa Pransya upang mag-aral at matuto pang lalo sa linya na kanyang pinasok.
Dahil na rin sa pagmamahal at husay na ipinapamalas niya sa kanyang propesyon, unti-unti umangat si Ramon, mula sa pagiging supervisor hanggang principal engineer. Hindi nga kalaunan ay naging matagumpay na managing director ng kompanyang kanyang pinapasukan.
Para kay Ramon, iisa lang ang naging susi ng tagumpay na kanyang tinatamasa – “Along the way it’s about your own attitude that makes you successful. I’ve learned that the secret of things is you could really do it trial and error, and also, when you change the way you look at things, and instead of looking at problems you look at them as an opportunity to shine and prove that you can do it,” wika niya.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
The post THE ‘TRIAL AND ERROR’ OF VICTORY appeared first on Remate.