NAKATATAWA naman ang reaksyon ng Malakanyang noong ilabas na sa media ang Napolist o ang listahan ng mga senador at mga kongresman na diumano’y nagkaroon ng transaksyon kay pork barrel scam mastermind Janet Napoles.
Aba’y mantakin mo, sa halip na mawindang ang Pangulo dahil kasama ang kanyang mga bataan sa listahan ay lumalabas na tila pinagtatakpan pa niya ang mga ito.
So, ganoon pala ang Tuwid na Daan ng ating Pangulo? Masama ang magnakaw sa pamahalaan kapag ikaw ay kalaban sa pulitika subalit ayos lang ito kapag ikaw ay kakampi?
Kapag ikaw ay kalaban sa pulitika ay ora-orada ang gagawing imbestigasyon at simbilis ng kidlat ang pagsasampa ng mga kaso subalit kapag kakampi ay magpapa-presscon pa itong si Presidential Communications and Operations Office (PCOO) chief Sonny Coloma upang pabulaanan ito? ‘Yan ba ang Tuwid na Daan sa ilalim ni Pnoy?
Bagama’t totoo na ang bersyon ng Napolist na galing kay dating Senador Ping Lacson na itinalaga ng Pangulo bilang rehabilitation czar ay walang lagda mula kay Napoles at maaaring “polluted” ang listahan na ito, hindi pa rin maitatatwa ng Malakanyang na ang isyung ito ay tungkol sa korapsyon.
Matigas dapat ang paninindigan ng Pangulo rito sapagkat siya ay inihalal ng taumbayan dahil sa paniniwalang tutuldukan nito ang malawakang korapsyon sa ating bansa na walang sini-sino at pinapadrino.
Ngunit ano ang ginawa nitong si Coloma?
Aba’y ni hindi pa man nagsasagawa ng imbestigasyon ay sinasabi na niyang walang kinalaman itong mga bataan ng Pangulo sa pangunguna nina Budget Secretary Florencio Abad at Agriculture Secretary Proceso Alcala sa pork barrel scam ni Napoles.
Ano ba naman kung kahit plastikan lang, eh, sinabi ni Coloma na iniimbestigahan ng Pangulo ang kanyang mga tauhan na nasabit sa Napolist at nakahanda siyang tanggalin ang mga ito sa puwesto kung sakaling magkaroon ng basehan ang mga ito?
Eh, ‘di sana kahit papaano ay maiibsan naman ang ating paniniwala na boladas lamang itong Tuwid na Daan ni PNoy.
Kung ako ang tatanungin, malinaw na malinaw na hangga’t walang sinasampolan si PNoy sa kanyang mga sariling bataan na paulit-ulit na lamang sumasabit sa iskandalo, baka darating ang panahon na wala nang naniniwala sa kanya.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post BOLADAS NI PNOY appeared first on Remate.
