NAKIKIUSAP si Joy (JA) sa Bantay OCW nang magtungo ito sa Inquirer Radio na maipaabot sa kinauukulan ang problemang kinakaharap na may kinalaman sa kapatid nitong nasa Japan.
Nauna na ‘anyang may pinakasalang Japanese ang kapatid niya at muling nag-asawa sa isa na namang Hapon. Kamakailan lamang niya nalaman na ginamit pala nito ang kanyang pasaporte, ayon na rin sa sumbong ng isa pa nilang kapatid.
Nang magkahiwalay aniya ang unang asawa nitong Hapon, nanatili pa rin sa Japan ang kanyang kapatid hanggang sa makatagpo na naman ng panibago.
At upang makakuha ng Certificate of No Marriage (CeNoMar), ginamit nito ang pasaporte ni Joy. Ibang pangalan na nga naman ang kanyang isinumite. Dahil kung gagamitin niya ang orihinal na pangalan niya, hindi na siya makakukuha ng Cenomar.
Malaki ngayon ang problema ni Joy. Dahil siya naman ang nakatakda nang mag-asawa at kailangan niyang kumuha ng Cenomar. Ngunit hindi na siya makakuha dahil nga naman ginamit na ito ng kanyang kapatid.
Ipinadala ng Bantay OCW sa Office of Consular Affairs-Passport Division ng DFA si Joy at inasikaso naman siya ni Assistant Passport Director Von Ryan Pangwi upang paimbestigahan ang naturang reklamo.
Ayon kay Pangwi, maaaring makansela ang pasaporte na gamit ngayon ng kapatid ni Joy at hindi na niya ito magagamit.
Magkakaproblema siya ngayon kung paano siyang makababalik ng Pilipinas dahil mawawalan ng bisa ang hawak niyang passport.
May kahaharapin din siyang pananagutan dahil labag sa batas ang paggamit ng passport ng iba. Kapag nakansela na ang naturang passport, saka pa lamang makapag-aaplay ng Cenomar si Joy upang maisaayos naman ang kanyang pagpapakasal.
Hangad namin na maisaayos ang lahat sa lalong madaling panahon.
HINDI MAGANDANG PAGTRATO SA LEBANON, MAAYOS NA!
NAGREKLAMO ang ina ni Charlene Matigas, OFW sa Lebanon, hinggil sa hindi, aniya, maayos na pagtrato sa anak sa kanyang resort na pinagtatrabahuhan doon. Isang email ang natanggap ng Bantay OCW hinggil dito mula kay Atty. Demosthenes Plando na siya namang nilapitan ni Mrs. Matigas sa Iligan City.
Kumilos naman ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Philippine Embassy sa Lebanon at agad nagtungo sa naturang resort si Labor Attache Bulyok Nilong kung saan nagtatrabaho ang OFW.
Gayong may kalayuan sa siyudad, sinikap ni Labatt Nilong na makausap ang naturang OFW at alamin na rin ang kalagayan ng iba pang mga Pinoy roon. Nagpadala siya ng report sa tanggapan ni Secretary Rosalinda Baldoz ng DOLE at ipinaalam ang naturang aksyon sa pamilya ni Matigas sa pamamagitan ni Atty. Plando.
Nang muling mag-follow-up ang Bantay OCW, ayon kay Labor Attache David Des Dicang mula sa DOLE, na may ipinadalang liham si Charlene sa embahada, ipinadala rin sa pamilya nito, at sinasabi niyang hindi siya ang tunay na Charlene Matigas at may gumagamit lamang aniya ng kanyang pangalan upang magreklamo.
At bilang patunay pa nga ‘anya, nagtungo si Charlene sa ating Phil Embassy sa Beirut at mula roon ay tinawagan si Atty. Plando upang mapatunayang siya ngang talaga ang tunay na Charlene at itinanggi niyang wala siyang ipinadadalang sulat sa kanyang pamilya.
Kaya naman nang tinawagan naming muli si Atty. Plando, sinabi nga niyang ayos na ang lahat kay Charlene at nagkausap na rin sila, pati na rin ang ina nito.
Case closed na aniya ito! Kasabay ng kanyang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong. Maging sa Bantay OCW, sa mabilis ding koordinasyon namin sa tanggapan nina Labatt Dicang at Labatt Nilong sa Lebanon. Salamat din po sa lahat!
The post PASSPORT NG KAPATID GINAMIT, MAKAPAG-ASAWA LANG SA JAPAN appeared first on Remate.
