MUKHANG uubusin ng administrasyon ni PNoy ang pamilya Estrada!
Sinimulan nila ang pagdidikdik kay Senador Jinggoy Estrada at kamakailan lamang ay pinatalsik ng Comelec si Laguna Gov. ER Ejercito.
Bukod pa rito, may naka-pending din na disqualification case si Manila Mayor Erap Estrada sa Korte Suprema kaya marami ang nagtatanong kung may plano ba ang administrasyong ito na burahin na ang pangalang Estrada sa pulitika ng bansa.
Kapansin-pansin din kasi na medyo mainit ang gobyernong ito sa mga Estrada dahil marami namang political clans sa bansa ang may mga sabit din sa pamahalaan.
Kataka-takang sa Estrada lamang nakatutok ang mata ng Malakanyang kaya lubos ang paniniwala ng nakararami na isusunod na talaga si Erap.
Nakabibilib naman ang mga Estrada dahil sa halip na lumaban at magmatigas ay kusa silang bumababa sa puwesto para iwasan ang anomang kaguluhan.
Puso ang umiiral sa mga Estrada kaya naman kahit ilang beses na silang tinatapak-tapakan ay tao pa rin ang nagbabangon sa kanila.
Marami ang nag-overspending noong eleksyon pero bakit si ER Ejercito ang kanilang inuna?
Sangkatutak na politiko ang namili ng boto at mas malaki pa ang ginastos kay ER pero bakit ang gobernador ng Laguna ang kanilang ginagawang sample?
Marami na tuloy ang nagtatanong kung totoo ba ang “Tuwid na Daan” ni PNoy dahil mukhang inaaplay lang ito sa kalabang partido ng gobyerno.
Kakabilib na sana ang simula ng administrayong Aquino pero nitong bandang huli ay talaga namang sila pa ang nagsisilbing tagapagtanggol ng kanilang mga tiwaling tauhan sa Malakanyang.
Sa halip na paimbestigahan ang kanilang mga malalapit na tao ay inaabswelto nila agad kaya nagdududa na ang taumbayan.
Tiyak na marami pang magaganap sa kalakarang pulitika ng bansa pero tiyak na isa lang ang target nito at iyan ay pabagsakin ang oposisyon.
The post BUBURAHIN BA NI PNOY ANG MGA ESTRADA? appeared first on Remate.