SINO itong isang opisyal ng PNP-Pandi, Bulacan na isinusuka ng mga kapwa niya pulis dahil daw sa masiba sa pitchaan at nagbabangketa ng mga huli sa drugs at vices? Aba’y ala raw ginawa itong kabata-batang si P/Inspector “Buwakag” – na siyang bansag sa kanya ng kanyang mga kasamahang pulis — na kapag meron daw huli ay lagi raw itong nagtatanong kung umaareglo sa suspek, lalo na sa mga kasamang may kinalaman sa droga.
Minsan nga raw ay may nirespondehan itong si P/Inspector “Buwakag,” kasama ang apat na pulis sa simpleng vehicular accident na nangyari rin diyan sa Pandi, Bulacan. Nagkasagian lang ang magkabilang panig at nabasag ang signal light at nagkasundo naman daw ang mga sangkot sa barangay hall na babayaran na lang ang nabasag na signal light.
Lumalabas na ang isa sa mga nasangkot sa naturang aksidente ay kaibigan nitong sira-ulong opisyal ng Pandi PNP.
Ngunit ang laking gulat na lang daw ng nakasaging driver ng biglang pinipilit ni P/Inspector “Buwakag” na pinagbabayad siya ng P5,000 samantalang nagkasundo na sa P1,500 peso ang kabayaran sa nabasag na signal light.
Hanggang sa nagkaroon na ng pagtatalo at gumawa na ng hindi totoong kuwento si P/Inspector “Buwakag” na kesyo nagkaroon daw ng sakitan dahil lumaban daw ang driver sa kanya. Sa takot ay walang nagawa ang pobreng driver hanggang sa ikinulong na umabot ng limang araw matapos kasuhan ng reckless imprudence resulting to damage in property at resisting arrest.
Ayon sa driver, paano raw siya lalaban, eh, alam niyang mga pulis sila at lima pa sila at mga naka-uniporme ng type B. Hindi raw kasi nasunod ang gusto ni P/Inspector “Buwakag” na bayaran ng P5,000 para sa nabasag na signal light!
Aba’y talagang garapal at buwakaw pala ang P/Inspector “Buwakag” na ito! Inspektor pa lang ang ranggo pero nuknukan na ng pagkawalanghiya!
Dahil sa pakikialam nitong unggoy na pulis na ito ay nauwi ang simpleng kaso ng sagian sa kaso ng resisting arrest. Kung ‘di ba naman mga ulol ang mga pulis na ito, eh, ni wala silang karapatang manghuli dahil lamang sa isang simpleng traffic accident. Hindi ba’t ‘pag ganyang kaso ay kinukunan lamang ng litrato ang mga sangkot na sasakyan, kukunan ng affidavit ang bawat panig at saka lamang masisimulan ang imbestigasyon?
Alam ba nitong mga pulis ng Pandi ang batas? O talagang maraming mga tanga ang napupunta sa hanay ng ating kapulisan? Ganyan ba ang Tuwid na Daan na pinaiiral ngayon sa PNP sa ilalim ni Director General Alan Purisima at PNP Region 3 Director Chief Supt. Raul Petrasanta? Aba, mga sir, galaw-galaw naman diyan at sibakin ang tanga at abusadong pulis sa inyong hanay!
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post SI INSPECTOR ‘BUWAKAG’ appeared first on Remate.
