KAHAPON ay ipinagdiwang natin ang Araw ng Kalayaan.
Inaalala natin ang ating natamong kalayaan mula sa kamay ng mga Kastila upang sakupin naman ng mga Amerikano.
Naisip ko na tila isang kabalintunaan maging ang ating konsepto ng kalayaan at naisip ko na ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay malabnaw at walang tunay na sustansya ang ating pagmamahal sa bayan.
Patuloy pa rin ang pagdami ng mga politikong maaring ihalintulad sa mga Makapili na nakahandang ipagkanulo ang mga mamamayan para lang sa kaunting salapi.
Patuloy pa rin tayong nakagapos sa tanikala ng mga paniniwalang labag sa bawat hibla ng ating pagiging Filipino.
Napakaganda sanang pagkakataon para kay Pangulong Aquino ang sumambulat na iskandalo ukol sa pork barrel scam upang pangunahan nito ang tunay na pakikipaglaban upang tayo ay mapalaya sa kamay ng mga tiwali at mapagsamantalang politiko at mga huwad na lingkod-bayan.
Ngunit sa halip na gamitin ang pagkakataong ito upang linisin ang ating pamahalaan ay nagkasiya itong si PNoy na gamitin ito upang ipitin ang kanyang mga kalaban sa politika at pagtakpan ang kanyang mga kasamahang tiwali.
Hindi ganito ang inaasahan sana natin.
Ang ating pinapangarap na lider ay ang taong walang kinikilalang kaibigan at kasamahan kapag ang nakataya ay ang kapakanan ng bayan.
Diyan natin makikilala ang tunay na lider ng bayan at hindi lider lamang ng iilan.
Sa mga susunod na araw ay maaaring madala na sa kulungan itong sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla dahil sa mga kasong pandarambong na isinampa laban sa kanila ng Ombudsman.
Dapat lang ‘yan at walang puwang na anomang uri ng malasakit ang ipakikita sa mga taong ito na walang ginawa kundi magpasasa sa salapi ng bayan.
Subalit hangga’t walang ginagawang aksyon ang Pangulo o ang Department of Justice sa kanilang mga kasamahan— gaya ni Budget Secretary Butch Abad (ang diumano’y nagturo kay Janet Napoles), Agriculture Secretary Proceso Alcala (isa sa mga itinuturong nag-ahente para kay Napoles), TESDA Secretary Joel Villanueva, at iba pang kapartido at kabarkada ng Pangulo na nasabit sa pork barrel scam — ay hindi magiging ganap ang paniniwala ng taumbayan ukol sa layunin ni PNoy sa kanyang diumano’y kampanya laban sa katiwalian.
Patuloy na magkukulay-pulitika ang bawat hakbang ng pamahalaan sa pagtatangka nitong usigin ang mga politikong kawatan.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post HUWAD NA KALAYAAN appeared first on Remate.