ISA naman pong sulat mula sa isang overseas Filipino worker sa Libya ang ating ilalathala upang maaksyonan ng mga kinauukulan ang kanyang problema at ng kanyang mga kasamahan.
Heto ang kanyang sulat.
Dear Sir Verzola,
Magandang araw po sa iyo. Bago po ang lahat nais naming magpasalamat sa tulong na ibinibigay n’yo po sa aming mga OFW dahil may mga bagay-bagay kami na nais maparating sa ibang tao. Hindi lang po namin mailabas sa kadahilanang ayaw rin po namin maapektuhan ang aming mga pamilya.
Naikwento na po ng isa naming kasama kung ano pong panloloko ang ginawa sa amin ng aming recruiter na si Daisy Gonzales, kasama ng kanyang agency (Oasia Global Resources). Naka-attach po rito ang excel sheet na kung pano raw nila ginawa ang transaction. Hinahanapan ko po sila ng mga document from the bank pero wala po silang maibigay sa akin. Ang nais po kasi namin, malagyan ng basis ‘yung laki ng perang nabawas sa mga padala namin.
Ang dahilan po niya ay dahil sa black market siya bumibili kaya nang ipinadadala na sa Pinas, mababa na ang natatanggap ng mga pamilya namin. Marami po kaming katanungan na hindi po nila masagot nang maayos katulad na lang ng:
*Bakit kailangang iraan sa black market kung may pera na pala silang pinang-aabono sa Pilipinas?
*Kung bank transfer naman po ang ginagawa nila sa pag-transfer nila ng perang Libyan dinar sa bangko, pagdating po sa Pinas, peso po siyang matatangap.
*’Yung mga perang nakokolekta sa amin hindi po ako naniniwalang binili n’ya sa market sa napakataas na presyo tapos ipadadala sa Pinas sa mababang presyo.
Ang sabi nila, tulong na raw po ‘yun sa amin dahil daw sa hirap naming magpadala mula rito sa Libya. Kung tulong po nila ‘yun sa amin, bakit kailangan po nilang presyohan ang pagtulong sa amin?
Hinihiling ko lang po sanang itrato ninyong confidential ang aming mga pangalan at pamilya.
Kilala ko po ang aming recruiter, gagawin n’ya po ang lahat para masira kami sa aming kompanya rito sa libya.
Marami pong salamat sa pakikinig.
Nagpapasalamat,
Alyas Manong Johnny
The post MANLOLOKONG RECRUITER SA MGA OFW SA LIBYA appeared first on Remate.