ISANG buwan na ang lumilipas, subalit nganga pa rin ang mga winner sa ginanap na ‘bancarera’ sa Barangay Simlong, Batangas City.
Natapos daw ang dalawang araw na ‘bancarera’ (Mayo 16 at 17) na walang napala ang mga sumali sa nasabing karera ng banca. Dahil hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga nagwagi sa naturang paligsahan ang kanilang mga premyo dahil ‘di na nagpapakita ang organizer.
Sinabi ni Romy Torilla, isa sa nanalong ‘bancarera’ participant, ang organizer na kinilala niyang si Kap. Rudy Mendoza ay ‘di mahagilap.
Ang ‘bancarera’ ay ginagawa taon-taon sa nasabing barangay, subalit ngayong taon lamang nangyari na ang premyo ay ‘di naibigay sa mga winner.
Kung may hiya si Kap. Mendoza, aba’y magpakita na siya at ibigay ang mga premyo na napanalunan ng constestants. Napakaliit na dahilan ang ‘di pagbibigay ng ‘bancarera’ prizes para sirain ni Kap. Mendoza ang kanyang imahe sa mata ng mga kababayan.
Baka dahil sa ginagawang ganyan ni kapitan, aba’y baka sa darating na election ay ‘di na siya iboboto ng mga taga-Brgy. Simlong.
Maliit man kung ituring ang reklamong ito ng mga naguyong ‘bancarera’, pakiusap natin, sana’y ‘di dapat nagpipikit-mata si Mayor Eduardo Dimacuha.
Maiintindihan natin na busy ang butihing alkalde sa rami ng kanyang appointment, pero puwede namang atasan ni mayor si pareng Edilberto Perez.
Si pareng Edil ay kilalang aksyon man dahil sa tuwi-tuwina na may inilalapit na reklamo ang Chokepoint ay kaagad nitong inaaksiyonan.
Ang ulat sa atin, dinala na ng mga galit na ‘bancarera’ winner ang kanilang reklamo sa Liga ng mga Barangay ng lungsod ng Batangas. Pero pakiwari natin, sa bahagi lang ni pareng Edil ay mareresolba ang reklamo ng mga ‘bancarera’ kay Kap. Mendoza.
At sa tulong ng kumpare pa rin nating beteranong mamamahayag na si Cris Ibon, aba’y baka may paglalagyan si Kap. Mendoza. Abangan.
The post PAPREMYO SA BANCARERA BIGLANG NAGLAHO appeared first on Remate.