MUKHANG walang pinagbago ang Bureau of Customs (BoC) kahit biniyak pa ang trabaho ng Intelligence and Enforcement group kina Jessie Dellosa at Ariel Nepomuceno.
Malinaw kasi na sablay pa rin ang kampanya vs smuggling ng Bureau of Customs (BoC) at hanggang ngayon ay sablay rin ang kanilang effort sa koleksyon.
Sa mga nakalipas na datos ng BoC, hindi nila na-meet ang target collection sa bawat buwan ng taon kaya hindi mawala ang sapantaha ng tao na tuloy-tuloy pa rin ang ayusan sa naturang kagawaran.
Maging ang mga tauhan daw nina Delossa at Nepomuceno ay may kanya-kanya na raw timbre at raket na dapat imbestigahan ni Finance Sec. Cezar Purisima dahil nagkakaayusan na raw ito ng usapan.
Mabigat daw ang kalakaran ngayon sa BoC dahil sa bigat ng aregluhan at iyan ay nangyayari dahil daw pinaghiwalay ang Intelligence at Enforcement gayung hindi naman ito nagtatrabaho nang maayos base sa kanilang mandato.
Kanya-kanya pa rin daw diskarte ang mga tauhan ng dalawang opisina para mabuhay at iyan ang dapat tutukan ni Purisima at ng Malakanyang kagaya ng ginawa niyang pagdiin kay Ruffy Biazon.
May dalawang taon pa si PNoy sa Palasyo kaya kung nakuha niyang hawakan noon ang DILG ay subukan niyang hawakan ang BoC dahil ito lamang ang paraan para malaman niya ang tunay na kalakaran sa Aduana.
o0o
Tama ang suhestyon ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian na panahon na para magsumite ng kanya-kanyang reklamo sa United Nations ang mga bansang tinatapakan at sinasagasaan ng bansang China sa usapin ng teritoryo sa West Philippjne Sea o South China Sea rati.
Panahon na para magkaisa ang mga bansang Vietnam, Indonesia, Brunei at Malaysia sa pagsasampa ng kaso dahil ang pagkakaisa ay isang pagpapakita ng lakas at katibayan na patuloy ang pang-aabuso ng mga Tsino sa West Philippine Sea.
Agaran ang dapat gawing pagrereklamo sa United Nations tribunal ng naturang mga bansa dahil hindi na biro ang ginagawa ng bansang China, lalo’t malinaw sa mga katibayan na patuloy ang paggawa ng mga istraktura ng mga Tsino sa pinag-aagawang teritoryo.
Pakikipaglabang diplomatiko sa pamamagitan ng pagsusumite ng reklamo sa UN ang solusyon dahil dito makikita ng mundo ang kawalang-galang ng China sa mga usapang pang-international na kung saan isa sila sa mga signatory na dapat nagpapahalaga rito.
The post TUMINO BA ANG CUSTOMS KINA DELLOSA AT NEPOMUCENO? appeared first on Remate.