UMAANGAL ang maraming empleyado ng mga korte sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pagiging sobrang mahigpit ni BIR Commissioner Kim Henares sa paniningil ng buwis.
Base sa mga reklamo ng mga nakausap kong court employee, dismayado sila kay Kim Henares dahil pati raw ang kakarampot nilang anniversary bonus ay hindi nakaligtas sa mala-gunting nitong pangangaltas.
Kamakailan kasi ay iniatas ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ibigay na sa lahat ng mga empleyado ng korte sa buong bansa ang kanilang anniversary bonus na umaabot sa P13,000 bawat isa.
Kaya naman laking tuwa ng mga court employee dahil alam nilang malaking tulong ang nasabing halaga, para magamit sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Pero ang tuwa nila ay napalitan ng pagkadismaya nang malaman nila na kaya pala hindi agad mai-release ang nasabing bonus ay dahil sa utos ni Kim Henares na kaltasan ito ng buwis.
Lumalabas na nagpasya ang pamunuan ng mga husgado na pag-aralan muna ang kaltas ni Kim, subalit sa huli ay ang kagustuhan din ng BIR ang nasunod.
Kaya sa halip na P13,000 ay umaabot na lang daw sa P11,000 ang natanggap na bonus ng mga empleyado na siya namang dahilan kung bakit bad trip sila ngayon kay Madam Kim H.
Ang alam daw kasi nila ay hindi na dapat kaltasan ng buwis ang bonus at iba pang mga benepisyong katulad nito, kung hindi naman umaabot sa P30,000 ang natatanggap ng isang empleyado.
Pero may mga bulungan din sa iba’t ibang korte rito sa Metro Manila na tila nagamit lang daw si Kim Henares, dahil ang mismong mga opisyal umano ng SC ang siyang may pakana ng pagkaltas ng buwis.
Umaabot kasi sa daan-daang libo ang empleyado ng mga korte sa buong bansa, at kung susumahin ang tig-P2,000 na kaltas sa bawat isa sa kanila ay aaabot din sa limpak-limpak na milyones ang halaga nito.
Sa madaling salita, may hinala sila na may kumita nga sa ibinigay na bonus at malamang ay hindi ito napunta sa kaban ng bayan kundi sa bulsa ng iilan diyan sa SC.
Ano nga ba kaya talaga ang totoong nangyari sa kinaltasang anniversary bonus ng mga court employee?
The post REKLAMO NG COURT EMPLOYEES appeared first on Remate.
