BUMABALIK yata sa mga taga-Malakanyang ang salita sa State of the Nation Address na “saan kumukuha o humuhugot ng kapal ng mukha ang mga ito?”
Noong SONA 2013, “ang kapal ng mukha” ang pasaring sa mga umuupo sa pamahalaan na walang ginawa kundi magpayaman at mang-abuso.
Ngayon ay nakadalawang 3-point shot na ang Supreme Court laban sa pamahalaang Aquino.
He-He-He!
Unang sinopla ng SC ang Malakanyang sa kasong Priority Development Assistance Fund sa botong 14-0-1 noong Nobyembre 2013.
Kamakalawa naman, sinopla na naman ng SC ang Malakanyang sa kasong Disbursement Acceleration Program sa botong 13-0-1.
Kumbaga sa boxing, mas malakas pa ang suntok ng SC sa Malakanyang kaysa sa mga suntok ni Juan Manuel Marquez kay Manny Pacquiao at ni Pacquiao kay Ricky Hatton.
Dalawang knockout ang pinalasap ng mga Hukom sa mga taga-Malakanyang.
MAKAPAL ANG MUKHA, SINO?
Pinagsasama noon ang mga pwersa ng langit at lupa ng Malakanyang para idepensa ang PDAF at DAP.
Medyo magaan ang pagtanggap ng mga taga-Malakanyang sa desisyon ng SC sa PDAF dahil ginamit ito laban sa kanilang mga kalaban sa pulitika.
At mayroon na nga silang naipakulong sa ngalan ng PDAF.
Pero dito sa DAP, kahit lumabas na ang knockout decision ng SC, ayaw pa ring tumiklop ang mga taga-Malakanyang.
Katwiran ng mga anak ng putakteng ito na direkta nang tinurbo ng mga Hukom nang harap-harapan, in good faith at walang nalustay kundi napunta ang lahat ng P160 bilyong pondo para sa kaunlaran ng Pinas.
We, ‘di nga!
Eh, bakit hindi maramdaman ng mga mamamayan ‘yang kaunlaran na ‘yan?
‘Yan na nga at katakot-takot ang paghihirap ngayon ng mga mamamayan.
Magtanong pa kayo sa mga barangay.
Ano ‘yan, pakapalan ng mukha ang pinaiiral?
Bakit wala man lang nagbibitiw at lalo yatang kumakapit-tuko sa poder ang mga responsable o may pakana sa DAP?
“Di ba, Manong Butch Abad? Bakit nga? He-he-heeeee!
PANAGUTIN SILA
Patong-patong na ang mga panawagan para mag-imbestiga ang Commission on Audit ukol sa mga pinaggamitan ng DAP.
Naririyan si Inday Miriam na, bukod sa pagtutulak sa COA na mag-imbestiga, nagsasabing matibay na batayan ng kasong impeachment mismo laban kay PNoy ang pagdedeklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang DAP.
Naririyan din ang Philippine Constitution Association na nagtutulak ng pagsasampa ng mga kaukulang kaso sa lahat ng mga sangkot sa DAP.
‘Yun bang === mga nagpalabas ng DAP at tumanggap ng DAP.
Kung bumisita ka naman sa Facebook at Twitter, nakupo, hindi lang 3-point shots at tambak ang score ng mga mamamayan laban sa grupo ni PNoy.
Knockout talaga ang pwersa ng panawagan na panagutin sila.
ISAMA SILA LAHAT
Para sa mga taga-Philconsa, mga Bro, narito ang ilan sa mga tumanggap ng mga pinakawalang DAP nina Abad sa Senado.
Franklin Drilon – P100 milyon; Francis Escudero – P99M; Manuel Villar, Lito Lapid, Loren Legarda, Allan Cayetano, Edgardo Angara, Ralph Recto, Vicente Sotto III, Serge Osmeña, Gregorio Honasan at Pia Cayetano – P50M; Joker Arroyo – P47M; Koko Pimentel – P45.5M; TJ Guingona – P44M; at Francis Pangilinan – P30M.
Sa hanay lang ng mga senador ito, huh!
Alam na ng lahat, ukol naman sa tatlong itlog na pinag-initan nina PNoy sa Ombudsman at Department of Justice at sa Sandiganbayan na sila naglalabo-labo.
Insentibo o suhol lang ito sa mga senador na sumibak kay ex-Chief Justice Renato Corona.
Kukunin pa natin ang rekord, mga Bro, ng mga kongresman.
Pero sinasabing may minimum na P10M na DAP ang ibinigay sa nasa 180 kongresman na nang-impeach kay Corona.
Natanggap umano ng mga kongresman at senador ang kanilang suhol, este, insentibo bago at makaraan ang impeachment.
WALANG MATITIRA
Kung pagsasasampahan ng kaso ang mga senador na ito, tila walang matitira sa Senado kundi ang iilang baguhang senador.
Maaaring matira na lang sina Sens. Grace Poe, Nancy Binay, Jayvee Ejercito, Bam Aquino at Sonny Angara.
Nakasusukang isipin na ang lahat ng mga nag-imbestiga kina Manong Johnny, Bong Revilla at Jinggoy Estrada ay na-”suhulan” din ng DAP.
May 3-point shot na buslo sa lahat ng mga malilinis na senador ito, bukod lang siguro kay Joker Arroyo na sumusumpang hindi tumanggap ng anomang PDAF o DAP.
Dahil maingay si Miriam, hindi siya nakatanggap ng DAP.
Itong si Bongbong Marcos naman, mga Bro, ay todo reklamo kung bakit naisama ang kanyang pangalan sa mga nanghingi umano ng DAP.
Lumalabas ngayong may makakapal talaga ang mukha sa mga senador na ito na may gana pang magsabi sila’y nagtataguyod ng Tuwid na Daan.
NAKABIBINGING KATAHIMIKAN
‘Yang pagkakaroon ba ng DAP ang dahilan kung bakit nakararami sa mga senador ngayon ang sobrang tahimik ukol sa desisyon ng SC sa DAP?
Palagay natin, mga Bro, nag-iisip ang mga ito kung paano makagawa ng mga palusot sa DAP, lalo na ang mga tumanggap ng suhol sa impeachment.
Itong mga tahimik na ito ang napakaiingay laban sa tatlong itlog na kanilang sinipa pabulusok sa bangin mula sa Senado.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PAKAPALAN NG MUKHA, 3-POINT SHOT AT KNOCKOUT SA DAP appeared first on Remate.
