GAYA ng ating sinabi sa ating mga nakalipas na kolum, ramdam na natin at ng napakarami nating kababayan ang unti-unting pagbabalik ng problema sa trapiko sa Maynila matapos pagbigyan ni Mayor Erap ang hiling ng mga trucker na tanggalin na niya ang ipinatutupad na daytime truck ban.
Gaya ng inaasahan ay wala pa ring ipinatutupad na sistema itong mga nangangasiwa ng mga container at cargo truck na pumaparoo’t parito sa may Pier at sa kanilang mga destinasyon sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Ang resulta? Nakaririnding trapiko sa Roxas Boulevard, lalong-lalo na sa malapit sa Pier at ang pagbabalik ng delubyo sa iba pang lansangan sa Maynila, partikular na rito ang Taft Avenue at Pablo Ocampo St. (Vito Cruz).
Maliban sa mga trak ay itong mga sangkaterbang pedicab at kuliglig ang salarin sa muling pagbabalik ng suliranin sa trapik sa Maynila.
Ang nakaiinis ay nagkalat ang mga nakapaskil na babala na nagsasabing bawal ang mga pedicab, kuliglig at tricycle sa Taft at Vito Cruz subalit katabi mismo ng mga poster na ito ang tambayan ng mga walang modong namamasada ng mga pedicab, kuliglig at tricycle.
Hindi ba marunong bumasa ang mga ito?
Kung ang tunay na layunin ng mga namumuno sa ating bayan (attention Vice-Mayor Isko Moreno) ay ang mapanatili ang kaayusan sa ating mga nasasakupan ay kinakailangan nating ipakita na handa nating ipatupad ang batas at handa nating panagutin ang sinoman na lumalabag nito.
Kinakailangan din na matibay ang ating paninindigan sa ating mga polisiya, lalo pa’t napatunayan na ang mga ito ay nagdudulot ng positibong resulta sa ating bayan at sa ating mga mamamayan.
Sana naman ay pag-isipang mabuti ni Mayor Erap itong naging desisyon niya sa truck ban at obligahin muna ang truck operator na gumawa ng maayos na sistema upang hindi sabay-sabay ang kanilang mga dambuhalang sasakyan sa ating mga kalsada.
Batid natin na napakahalaga ng mga ito sa ating ekonomiya dahil sa kanila nakasalalay ang daloy ng mga produktong ginagamit natin araw-araw subalit kinakailangan naman na magkaroon sila ng maayos na sistema.
Hindi naman siguro masama kung magkaroon sila ng magandang dispatch system sa pagkuha at pag-deliver ng kanilang mga kargamento upang hindi naman sila sabay-sabay na dumaragsa sa ating mga kalsada.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post IBALIK ANG DAY TIME TRUCK BAN appeared first on Remate.
