ASTIG daw at mahilig sa libreng pasahe itong isang ahente ng National Bureau of Investigation NBI na naka-assign sa main office ng NBI sa may Taft Avenue, Manila.
Sa reklamong ipinarating ng mga driver ng SUV na may biyaheng Marilao – Cubao, sa Lily’s Files ay nakasaad na noong nakaraang Pebrero 4, araw ng Lunes ay sumakay raw itong si Teddy Guevarra, sa isang SUV mula sa SUV Terminal na nasa Tabing Ilog Market sa may Marilao, Bulacan papuntang Cubao sa Quezon City.
Nang ito ay singilin ng collector ay nagalit daw ang nagpapakilalang ahente ng NBI na si Teddy Guevarra at agad na itinaas ang suot na polo barong at ipinakita ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang, sabay-sabing NBI ako.
Ganun? Kailan pa naging libre sa pamasahe ang isang ahente o tauhan ng NBI? O talagang mahilig lang itong sumakay ng libre.
Mahiya ka naman, Teddy Guevarra, milyon ang puhunan ng isang SUV tapos ikaw gusto mong malibre sa pamasahe, eh’ sumusuweldo ka naman ng malaki sa NBI.
Sinasabing ang pakilala raw nitong si Teddy Guevarra sa kanilang lugar at sa mga driver ng SUV ay isa siyang ahente ng NBI, pero ayon sa mga kapitbahay nito sa may Fausta Village, Marilao, Bulacan, hindi naman daw ito agent kundi isang ordinaryong tauhan lang daw ng NBI.
Ayon sa mga nagreklamong driver, itong si Teddy Guevarra, ay matagal ng sumasakay nang libre sa mga SUV mula sa Terminal ng Tabing Ilog Market ng libre at dahil nagpapakilalang NBI agent ay hindi ito sinisingil ng collector.
Nagkataon na noong Pebrero 4 ay bago na ang collector ng mga SUV kung kaya siningil nito ang abusado at astig na si Teddy Guevarra, na sa halip na magbayad ay ipinakita ang nakasukbit na baril sabay-sabing NBI ako.
Galing mo, sir, alam kaya nitong si NBI Director Atty. Nonnatus Cezar Rojas ang pinaggagagawa mo? Marami-rami rin akong kilalang mga tunay na ahente ng NBI pero hindi sila astig at kasing-yabang mo, magagalang sila at hindi marunong manlamang sa kanilang kapuwa.
Attn. NBI Director Atty. Rojas, sir, pakikastigo lang po ang taong ito at pakitanggalan na rin ng sungay at pakpak, dahil baka manuwag nang manuwag at lumipad ng pagkataas-taas.
Pakiimbestigahan na rin po dahil sa pagkakaalam ko ay gun ban na noong Pebrero 4 pero bakit nagdadala pa ito ng baril gayong nakasibilyan.
Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 0915-5683000 at 0908-7230036 o kaya ay mag-email lang sa lpr_2012@yahoo.com.