NAKAIIYAK naman ang kalagayan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Wala na yatang naniniwalang mamamayan sa kanyang mga pinagsasabi at pinaggagagawa.
Mukhang isinusuka pa siya at gusto na siyang palayasin sa Palasyo.
Ito’y sa harap ng ilan naman niyang “tagumpay” sa iba’t ibang larangan.
Hu-hu-hu!
ZERO SA RADIO DZBB
Nagtanong kahapon ng umaga sa kanilang mga listener sa DZBB sina Mike Enriquez, Arnold Clavio at Ali Sotto ng “Ano ang gusto ninyong marinig mula kay Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pagsasalita ngayong gabi?”
Kaugnay ito ng naka-iskedyul na pagsasalita ni PNoy sa telebisyon ukol sa ‘di pa malaman kung anong paksa pero pinaniniwalaang ukol sa Disbursement Acceleration Program.
Wala tayong narinig na pabor kay PNoy bukod sa kahilingang magbago na siya at suportahan na niya ang Freedom of Information bill.
‘Yung marami, gusto nilang mag-resign na lang siya, kasama ni Budget Secretary Butch Abad.
Pati si Kris Aquino nadamay at sinaway na lang ni Mike ang caller. Hehehe!
‘Yung iba, nanawagan ng kudeta at rebolusyon.
Lumalabas na propesyunal ang nakararami sa mga listener.
ZERO SA REMATE
Halos ganito rin ang reaksyon ng mga reader ng Remate ukol kay PNoy pero sa tanong na: “Sa palagay n’yo may maipakukulong kaya ang gobyerno na sangkot sa DAP, gaya ng nangyari sa Priority Development Assistance Fund?
Sa 100 na sumagot sa text message, walang naniniwala na may maipakukulong si PNoy ukol sa DAP, lalo na sa hanay ng mga kaalyado nito.
Kung meron man, matagal pa bago mangyari iyon at kung may mabilis man na maipakulong, mga kalaban lang niya sa pulitika.
May mga nagsabi ring dapat na makulong din si PNoy matapos siyang umalis sa pwesto, kasama ang kanyang mga alipores gaya ni Abad.
Mga ordinaryong mamamayan ang nakararami sa mga nag-text.
ZERO SA PDAF
Nang ilabas ng Supreme Court ang desisyon nito sa PDAF, unanimous sa botong 14-0-1 ang mga Hukom ng Suprema laban dito.
Imagine, mga Bro, ang mga batang PNoy na sina Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Justice Marvic Leonen ay kasama sa mga bumoto laban sa PDAF. Hehehe!
Tanging si J. Presbitero Velasco ang ‘di bumoto dahil kongresman ang isa niyang anak.
Nagpakita ng delicadeza si Justice. Labag sa Konstitusyon ang PDAF at kailangang habulin na ng mga kinauukulan ang mga nakatanggap nito, sabi ng SC.
Sa desisyong ito, idineklara rin ng SC na labag sa Konstitusyon ang paggamit ng Malampaya Fund at President’s Social Fund sa anomang programa o proyekto sa labas ng mga itinatakda ng batas na paggagamitan ng mga ito.
Naging masugid na tagapagtanggol ng PDAF si PNoy ngunit sa huli sumuko rin makaraang lumabas ang desisyon noong Nobyembre 19, 2013.
Pero iginigiit ng mga tsuwariwap ni PNoy na pwede pa ang PDAF basta huwag lang makikialam ang mga kongresman at senador sa implementasyon ng mga proyeko at programa rito.
Kita n’yo kung gaano kasiba ang mga ito? Hehehe!
ZERO RIN SA DAP
Naulit ang zero vote ng mga Hukom sa kaso ng Disbursement Acceleration Program.
Si J. Teresita Leonardo-de Castro ang walang boto sa 13-0-1 dahil may kamag-anak siyang kasali sa kaso.
Naulit ang posisyon ng mga batang PNoy na sina CJ Sereno at J. Leonen laban kay PNoy.
Naghalo ang tuwa at luha nina PNoy sa desisyon dahil hindi idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang DAP. Bagkus ang mga pinaggagagawa lamang nila.
Kaya katwiran nila, pwede pa rin ang DAP basta ‘wag nilang uulitin ang pinaggagagawa nila gaya ng paggamit ng salapi mula sa isang ahensya tungo sa ibang ahensya.
Tinutukoy ang paglilipat ng pondong DAP mula sa Palasyo tungo sa Kongreso, kasama na ang panuhol sa mga kongresman at senador para mapatalsik si ex-Chief Justice Renato Corona sa SC.
GOOD NA, NAGING MODERATE PA
Pero sa Social Weather Station at Pulse Asia surveys, mataas pa rin umano ang grado ni PNoy sa kanyang pamumuno, ayon sa kanyang mga tsuwariwap sa Palasyo.
Nasa 50-porsyento pa naman daw ang bilib at nagtitiwala kay PNoy at malaking bilang umano ito.
Mabilis nga lang na umislayd o bumulusok ang grado nito mula sa very good noong bago mag-Disyembre 2013, very at good noong Marso 2014 at moderate o katamtaman na lang nitong Hunyo, 2014.
Anyare, huh?
At inilabas ang survey sa nakalipas na mga araw pero ang ginawang survey ay ilang buwan na ang nakararaan at wala pa ang desisyon sa DAP.
Dumarami nga lang ang nagsasabing sila’y nagugutom at naghihirap, pwera ang mga na-Yolanda, habang tumataas naman ang ranggo sa listahan ng mga mayayaman sa mundo sa pamamagitan ng Fortune Magazine ang nasa 47 lang na pamilyang bilyonaryo.
Karamihan sa mga ito ang nakakokopo ng mga multi-bilyong pisong pakontrata ng pamahalaan sa ilalim ng Public-Private Partnership.
Syempre pa, naririyan ang mga papuri kay PNoy ng mga internasyonal na grupo gaya ng Asian Development Bank, World Bank at rating agencies gaya ng Standard and Poor.
Newly industrialized na nga raw ang mahal kong Pinas at pinakaasensado ito sa mga umaasensong bansa.
Ngayon, sino-sino talaga ang nagsasabi ng totoo, mga Bro?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda