IKINULONG, minaltrato at tinratong parang katulong-‘Yan ang mapait na sinapit ni Tess Selga, isang Pinay, sa kamay ng nobyong Australyano.
Isa si Tess sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso at karahasan. Ang minsang inakala niyang tila isang magandang panaginip ay nauwi sa isang malagim na bangungot.
Isang kaibigan ang naging daan upang magkakilala si Tess at ang isang Australyanong negosyante na sa una ay inakala niyang isang prince charming.
Ayon sa kanya, nagsimula sila sa pagsusulatan na di kalaunan ay naging pagtatawagan sa telepono.
“Hindi siya masyado mahilig sumulat so tinatawagan niya ako in a week, twice minsan tatlong beses siyang tumatawag sa akin.” Kwento niya.
Sa loob ng tatlong taon ay naging ganoon ang sitwasyon niya at ng kanyang ka-penpal, hanggang sa isang alok ang inihain nito sa kanya.
“After three years ng pag-uusap naming, sabi niya punta ka rito sa Australia para makita mo naman ang Australia.” Salaysay ni Tess.
‘Tila katuparan ng isang pangarap ang hatid ng mga pananalitang iyon kay Tess, at sa pag-aakala niyang langit ang kanyang pupuntahan tinanggap niya ng nasabing alok.
Sinagot ng kanyang ka-penpal ang kanyang pamasahe patungong Australia.
Nang makarating sa nasabing bansa, dito niya natuklasan ang panloloko ng Australyano.
“Sabi niya sa akin 42 years old siya, then nung nagpunta ako rito 72 years old na siya.
I was 29 years old by then. Nagulat ako, then naisip ko na nandito na ako, there’s no point of turning back.” Saad niya.
Subali’t ang natuklasan niyang iyon ay pasimula pa lamang ng mas matinding kalbaryo na kanyang kinaharap. Tinrato siyang tila isang alipin ng nobyong Australyano, at kung minsan kapag nagseselos ito, ikinukulong siya nito kapag umaalis.
“Nagsimula siyang magselos, pag-uumaalis siy, nilo-lock niya ako sa may milk bar, pag nagdarasal ako pinagtatawanan niya ako, sinasabi niya you are talking to the devils.” Dagdag na kwento niya.
Parang impyerno ang kinasadlakang iyon ni Tess, berbal at emosyonal na pang-aabuso ang kanyang dinanas mula sa nobyo.
Hanggang isang kaibigang Pilipina ang tumulong upang makawala siya sa sitwasyong iyon at makaalis sa tahanan ng lalaki.
Sa isang women’s refuge house nanuluyan si Tess sapagkat wala siyang matutuluyan noong mga panahong iyon.
Sa tulong ng Center for Philippine Concerns Australia o CPCA, isang organisasyon na tumutulong sa mga kababaihan na naging biktima ng karahasan, unti-unti ay nabigyan siya ng pag-asa at muli niyang nasilip ang pagngiti ng langit na ipinagkait sa kaniya ng Australyano.
Nang tuluyang makabangon nagdesisyon si Tess na maging parte ng nasabing organisasyon kung saan ay nabigyan siya ng pagkakataon na maging secretary ng board ng CPCA at maging chairperson ng Collective of Filipina’s for Empowerment and Development o CFED, isang organisasyong katuwang ng CPCA.
Nabigyan rin siya ng pagkakataon na maging isa sa mga host ng Radyo Kabayan at kasama ang ilan pang mga Pilipina patuloy nilang inaabot ang mga kababaihan na magpahanggang ngayon ay sadlak sa dilim at karahasan.
Ang pang-aabuso sa mga kababaihan ay isang bagay na nararapat ng tuldukan at bigyan ng wakas. Ang bawat isa ay may pantay na karapatan at walang dapat na naduduhagi at naaapi, kung kaya’t nararapat na sama-sama tayong gumawa ng hakbang upang wakasan ito- Let us all say- No to violence against women!
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.
Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
