NAGLAAN ang Pag-IBIG Fund ng P6-bilyon pondo sa calamity loan para sa mga nasalanta ng Bagyong Glenda, ito ay ayon kay Vice-President Jejomar C. Binay na siya ring Chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees.
“Kami po ay naglaan ng 6 bilyon piso sa calamity loan para masiguro na sapat ang pondo na ating maipapautang sa Pag-IBIG members na apektado ng Bagyong Glenda,” ani Binay.
Ang Pag-IBIG calamity loan ay para sa mga Pag-IBIG members na nakatira sa mga lugar na nadeklarang nasa State of Calamity. Maaari silang mag-file ng loan sa loob ng 90-araw mula noong madeklara ang state of calamity.
Idineklarang nasa State of Calamity ang mga probinsya ng Bataan, Laguna, Quezon, Cavite, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur at Samar, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Glenda. Kasama ring nagdeklara ng state of calamity ang Muntinlupa City at ang munisipalidad ng Obando sa Bulacan.
Ipinaliwanag ni Binay na ang Pag-IBIG members na nakapaghulog na ng hindi bababa sa 24 buwan na kontribusyon ay pwede nang makahiram ng 80% ng kanilang kabuuang savings sa ilalim ng calamity loan program, na kanilang babayaran sa loob ng 24 buwan. Ang calamity loan ay may taunang interes na 5.95% lamang.
“Ito na po ang pinakamababang interes para sa calamity loan, at ito ay halos kalahati na lamang sa nakaraang interes na umabot sa 10.75% kada taon,” dagdag pa ni Binay.
Sinabi rin ni Binay na hindi agad kailangan bayaran ang calamity loan dahil mayroon itong 3 buwan moratorium.
“Ang una nilang bayad ay mag-uumpisa sa ika-apat na buwan mula noong naaprubahan ‘yung calamity loan nila,” ani Binay.
Idinagdag pa ni Binay na ang Pag-IBIG members na may kasalukuyang binabayaran na multi-purpose loan ay maaari ring mag-file ng calamity loan basta lamang hindi tataas sa 80% ng kanilang savings ang kabuuan ng kanilang mga utang kung ito ay pagsasamahin. ANG INYONG LINGKOD/Dr. Hilda Ong