AYAW talagang paawat nitong ambisyosong Senador na si Alan Peter Cayetano sa kanyang kaepalan at napakaagang pamumulitika. Ito na yata ang taong kahit ibenta ang kaluluwa kay Satanas ay gagawin niya makaupo lang sa pwesto.
Between him at sa kanyang kapatid na si Pia, mas bilib ako roon sa isa. Tahimik lang at pumapapel lamang kung kinakailangan.
Ngunit itong si Alan Cayetano na ito ay talagang na-weldingan na yata ng bakal ang pagmumukha dahil hindi na talaga ito tinatablan ng hiya. Anong akala niya, hindi bistado ng mga tao ang kanyang pamumulitika sa pamamagitan ng kanyang mga eksena sa paid advertisement ng Taguig na kung saan Mayor ang kanyang asawa?
Anong akala niya sa mga tao, mga tanga?
Sa naturang patalastas, ipinagmamalaki nitong si Alan Cayetano ang Taguig at tila ginagaya ‘yung dating campaign ad ni Vice-President Jojo Binay na “Dito sa Makati.” Maliban sa gaya-gaya-puto-maya itong si Alan Cayetano, gusto pa niyang palabasin na kaya umunlad ang Taguig ay dahil sa kanya.
Wehhhh, ‘di nga? Hindi naman yata mga bobo ang mga tao para mabatid na nagsimula lang naman ang pag-unlad dahil lamang sa Fort Bonifacio Global City na itinatag sa pamamagitan ng Bases Conversion Law na naisabatas sa ilalim ni dating Pangulong Fidel Ramos. Naging maunlad din ito dahil sa paglalagay ng C-5 road na nakumpleto naman sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa mga hindi nakaaalam ay napakasipsip noong araw itong si Alan Cayetano sa mga Arroyo pero dahil na rin sa kanyang ambisyon ay trinaydor niya ang mga ito. Sa mga taong malalapit sa mga Arroyo ay punong-puno ng kwento kung paano manghingi ng salapi itong si Alan Cayetano kay dating FG Mike Arroyo na palagi naman itong pinagbibigyan.
Ayon pa sa kanila, halos lahat ng nagastos nitong si Alan Cayetano noong nagsisimula pa lamang ito sa pulitika ay nanggaling kay FG at sa kanyang ninang GMA subalit noong makuha niya ang lahat ng kanyang gusto at nakapag-ipon na siya ng sarili niyang salapi ay bumaliktad na agad ito.
Noong panahon na iyon ay mabangong-mabango pa si dating Sen. Manny Villar at dito naman dumikit itong si Alan Cayetano. Aba, natural na rito siya kakampi dahil sandamakmak ang kwarta nito ngunit noong matalo si Villar sa pagkapangulo ay mukhang may bagong agenda si Alan Cayetano.
Mukhang gusto naman niya ngayong gamitin si Villar at ang kanyang Nacionalista Party upang siya ang gawing presidential standard bearer ng partido. Iyan ang dahilan kung bakit ngayon pa lang ay puro paepal na siya sa media.
Noon at ngayon ay walang tunay na mahalaga rito kay Alan Cayetano kundi ang kanyang sarili at ang kanyang ambisyon. Ito ang taong ni isang saglit ay hindi mo dapat pagkatiwalaan dahil tiyak na kapag nakakita ito ng pagkakataon ay ikaw mismo ang kanyang kakagatin.
Mabuti pa nga minsan ang aso dahil marunong mangilala ng taong nagpapakain sa kanya.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/Gil Bugaoisan