MARAMING Filipino workers sa ibang bansa ang nalalagay sa panganib ang buhay.
May isang Pinoy na nagtatrabaho sa isang oil company ang dinukot at pinugutan sa Libya.
May isa namang nurse na kinidnap at halinhinang ginahasa sa Tripoli, matapos makatakas sa mga umuulang bala at bomba sa Libya.
Marami pa roong Filipino na nahihintakutan dahil naipit na sila sa digmaan.
Hindi lang sa Libya may giyera kundi pati na sa Middle East at Ukraine kung saan marami tayong kababayang nais nang makauwi pero hostage ng kaguluhan. Gusto na nilang magsiuwi dahil ayaw nilang mamatay.
Kaso, kapos sa kakayahan ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sila ay maiuwi agad-agad.
Itinataya ng OFWs ang kanilang buhay para makapagpadala ng dolyar sa bansa.
Ang pagtataya ng buhay ay isa lang sa mga problema ng OFW, bukod pa ang dinaranas ng pag-abuso, wasak na pamilya at pagkakaroon ng mga anak na nasira ang landas dahil nawala ang kanilang personal na gabay.
Noong 2010 elections, nangako si Noynoy Aquino na kapag siya ay naluklok ay lilikha siya ng maraming trabaho para magkaroon ang maraming Filipino ng disenteng hanapbuhay sa bansa. Sa tulong nito, marami nang hindi mangingibang-bansa.
Ngunit hanggang ngayon, patuloy ang pagdami ng umaalis sa Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bayan.
Tuwang-tuwa naman ang gobyerno dahil malaking tulong ang mga OFW sa ekonomiya.
Nasaan na ang pangako ni PNoy na disenteng trabaho para wala ng mga nanay at tatay na umaalis ng Pilipinas at iniiwan ang kanilang mga anak?
Maraming Pinoy na naiipit sa digmaan sa Libya sa pagdadalawang-isip na magbalik-bansa kasi’y walang kasiguruhan kung sila ay mabubuhay rin sa Pilipinas.
Sabi nga ng maraming OFW, mabuti nang mamatay sa bala basta huwag lang mamatay na tirik ang mata sa gutom sa bayan ni Juan. KANTO’T SULOK/Nats Taboy
