SA Oktubre, ipatutupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang no plate, no travel policy na may multang limang libong piso at posibleng ma-impound ang sasakyan.
Ang napapansin ng inyong lingkod sa mga taga-Land Transportation Office (LTO) sa panahon ni PNoy, tila kaya, kung ano na lang ang maisipan ng kahit mangahulugan ng kalituhan sa mga tao wala silang pakialam.
ONLY IN THE PHILIPPINES ang may iba’t ibang klaseng plaka ng mga sasakyan tayong makikita.
Merong lumang berdeng o pulang plaka, may apat na numero, may gumagamit ng conduction numbers, may commemoratives plates at special plates ng mga taga-gobyerno.
Kapag sangkot ang sasakyan sa krimen, plaka ang unang titingnan, pero kung 10 digits ang nakasulat mukhang mahirap ata matandaan. Kung ‘yung dati nga na anim na digits (ABC-123), hirap nang maalala, paano pa kaya ang sampung numero (1384-316515), ang nakalagay sa plaka?
Hindi ba naiisip ng LTO, kung sakaling may masangkot sa anomang aksidente o kaya maka-hit and run ang isang sasakyan, mahihirapan ang sinomang matandaan ang plaka dahil nga marami ang numero at mahirap tandaan. Kaya dahil dito, mas malamang sa hindi, walang matutunton na nakasagasa.
Isa pa sa maaaring mangyari kung magkaroon ng hold-up sa loob ng bus o taxi, tiyak na hindi rin matatandaan ang plate number nito, kung ganyan naman karami ang bilang ng numero ng plaka.
May katanungan ang inyong lingkod kay LTO officer-in-charge Alfonso Tan, Jr. at sa kanyang magagaling na advisers. Kapag may mga rumatsada na sasakayan sa harapan ninyo? Kaya ba ninyo ipakita sa publiko na kaya ninyong basahin ang mga numero lalo na kung walang eye glasses? Kayang-kaya ba ninyong memoryahin at isaulo ang 10 sampung numero?
Sana lang pag-isipang mabuti ng LTO ang hakbang nilang ito para na rin sa ikabubuti at ikapapanatag ng lahat para na rin sa mabubuting resulta sa lahat. ANG INYONG LINGKOD/Dr. Hilda Ong