SABI ng isang Boss sa Palasyo, kahit na lumolobo ang bilang ng mga nagkakagusto na dagdagan pa ng anim na taon ang pagtira ni PNoy sa Palasyo bilang Boss ng Pinas, ayaw na raw talaga ng huli.
Nirerespeto umano ni PNoy ang tadhana ng Konstitusyon na hanggang anim na taon lang at minsan lang maging Presidente ang isang tao sa Pilipinas.
Ows, torotot, este, totoo ba ‘yan, Boss? He-he-he!
Lumolobo raw ang may gustong isang dosenang taon dapat na bosing ng Malakanyang si PNoy?
He-he-he!
Ito namang little boss kung mambola ay gayun na lamang. Baka kayo lang sa Palasyo ang may gusto niyan, huh!
PULSE ASIA SURVEY
Heto kasi ang sinasabi ng Pulse Asia sa sarbey nito.
Noong October 2013, 79 sa 100 katao ang aprub sa pinaggagagawa ni PNoy at 76 ang nagtitiwala.
Pero noong Marso 2014, bumagsak ang approval nito sa 73 at pagtitiwala sa 74.
Nito namang Hulyo 2014, lalong bumagsak ang approval ni PNoy sa 56 at pagtitiwala sa 53.
Ang bilis ng pagbagsak ng approval at trust rating ng Kuya ni Tetay.
Kung totoo ang sarbey ng Pulse Asia, kaninong makakapal ang mukha kinuha naman ng little bosing ang kanyang sarbey?
He-he-he!
Sa online survey raw?
Nasaan ‘yun at sino ang nagpapatakbo nito, mga Bro?
WALANG YELLOW RIBBON
Problema ngayon ng mga taga-Palasyo ang bibihira nang nagsusuot ng yellow ribbon.
At naging problema pa nga raw ng Palasyo ito sa isang miting makaraang si PNoy na mismo ang humiling sa mamamayan na magsuot sila ng dilaw o yellow ribbon.
Doon nga sa State of the Nation Address kamakailan, nakapagtatakang walang nagpakitang tagapagtanggol si PNoy sa harap ng libo-libong nagprotesta laban sa kanya.
Pero kahit walang Pulse Asia survey, maglakad kayo, bosing, sa mga barangay at walang may gustong manatili pa si PNoy sa Malakanyang.
‘Yung marami nga, eh, gusto nila lumayas na lang si PNoy, now na! Ehek!
Sa buwisit ba naman nila sa mahal na bilihin, kuryente, tubig, langis, tuition fee, buwis, multa sa mga violation kuno sa mga batas, grabeng trapik, kapabayaan sa mga nakalamidad, dumaraming nagugutom at naghihirap at lalong pagyaman ng mga anak ng tipaklong na nasa gobyerno at mga pakner nila sa Public-Private Partnership.
CHA-CHA IPIPILIT
Dahil sa in-demand daw si Pangulong Noy, gustong-gusto na ng mga taga-Kamara na amyendahan ang 1987 Konstitusyon.
At para madali, daraanin na lang ang amyenda sa Cha-Cha ngunit sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ayaw nila ang Constitutional Convention (Con-Con) o People’s Initiative (PI).
Pero baka pwede rin sa Con-Con kung pawang mga batang PNoy ang mga mahahalal na delegado.
At pwede rin ang PI kung lahat daw na mga makadilaw ay mapapirma at milyon-milyong pirma ang kinakailangan dito.
Sa amyenda, mga Bro, yayariin nila ang tadhana ng Konstitusyon na hanggang isang termino lang ang para sa Pangulo at anim na taon ito.
Sabi, dagdag na anim na taon lang ang kailangan ni PNoy para tuluyan nitong maisaayos ang kalagayan ng Pilipinas.
Sino ang maysabi niyan, huh! Baka naman gawin ninyong gaya ng katulad ng mga para sa ibang posisyon na pwedeng tatlong beses na mahalal?
Wais ba, mga Bro?
NABUBUKING
Nabubuking na tuloy ang mga naglalakad ng Cha-Cha.
Noong una, ukol lang umano sa ekonomiya ang gusto nilang magkaroon ang Konstitisyon ng amyenda.
‘Yun bang === gusto nilang burahin ang hatiang 60-40 sa pagmamay-ari sa mga kompanya at ari-arian sa Pinas.
Sinasabi kasi ng Konstitusyon, mga Bro, sa mga itatayong kompanya sa Pilipinas o pagmamay-ari sa kung anomang bagay, dapat nasa 60% ang pagmamay-ari at kontrol ng mga Pinoy para manatili ang interes ng mga Filipino ang mamamayan sa mga desisyon, patakaran at maging sa kapital at tubo rito.
Dapat na sumunod sa interes ng mga Filipino ang interes ng mga dayuhan.
Marami ang kumukontra rito dahil sa oras na pinayagan ang pag-amyenda, hindi lang ang usaping pang-ekonomiya ang yayariin ng mga pro-Cha-Cha kundi isisingit at isisingit nila ang mga pampulitika na pabor lang sa mga nasa poder ngayon.
Kasama na sa mga pampulitikang interes nila ang pagkakaroon ng ekstensyon ng kanilang pamumuno.
Ngayon na buking na buking ngayon na nais na nilang bigyan ng isa pang anim na taon si PNoy matapos ang termino nito sa 2016.
May halalan o wala, gusto nilang si PNoy ang manatili sa Malakanyang.
Hindi kaya napakalaking kabaliwan ‘yan o sobrang kaswapangan sa pwesto?
DAPAT SILANG BANTAYAN
May naaamoy tayong hindi maganda rito, mga Bro.
Una, ano ang interes ng mga pro-Cha-Cha at gusto nilang doktorin ang Konstitusyon?
Ah, kasi, ang poder ay kapangyarihan na kumontrol na rin sa yaman ng bansa.
Kung kontrol mo ang Palasyo, Senado, Kamara at Hudikatura, nasa iyo na lang ang kapangyarihan sa pulitika at ekonomiya.
Buhay diktador ka na at sa iyo pa ang lahat ng gusto mong yaman.
Idadamay mo sa usaping yaman ang salaping-bayan.
At sasabihin mong alang-alang sa serbisyong bayan?
Ang maganda rito, mga Bro, dapat tayong magbantay lahat kung saan na patungo ang lahat.
Naranasan na natin ang diktadurya, kahit ginawang ligal, at sa impiyerno tayo napunta.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda