SIPSIP-HIMOD [na] naman ang karakas nitong si Boy Sako nang ibida nitong karapat-dapat dugtungan ang termino ni Chief Justice PNoy.
Hindi ko rin naman masisi itong si Boy Sako dahil baka siya ang naatasan ng Malakanyang para simulan ang pagkuha ng pulso ng taumbayan sa isyu ng karagdagang termino. Di ba, parang si Aling Gloria lang?
‘Soil Testing’ kung tawagin ang ginawang ito ni Boy Sako para kung maganda ang resulta ay mahaba pa ang pagkakataon nila na gumawa ng paraan para palawigin pa si PNoy sa kanyang trono.
Tagumpay si Boy Sako kasi pinag-usapan na ngayon sa buong bansa. E, papayag ba kayo na palawigin pa ang kanyang termino? Kakagat ba kayo sa pautot na ito ni Boy Sako?
Kapag maganda ang pulso ng taumbayan, tuloy ang ligaya! Kapag tuloy ang ligaya, tuloy ang biyaya! Kapag tuloy ang biyaya, tiba-tiba sila! Pero sa bilibid din ang hantungan nila kapag umayaw na ang taumbayan.
###
Matigas pa rin ang LTFRB sa kanyang direktiba kahit niluglugan na ng husto ng taumbayan pero nagmatigas din ang MMDA. Kinampihan ng amo nito mula sa lahi ni Hudas Iscariot ang LTFRB maging ni PNoy.
Mga hari ng Metro Manila naman ang kakampi ni MMDA lalo na ‘yung hari ng Republika ng Maynila pero pinili pa rin ng Malakanyang na kumiling sa LTFRB na tutang ulol ng lahi ni Hudas. May botante bang bitbit ‘yang tuta ni Hudas?
Duda na ako rito, taumbayan! May usapang malalim ito kaya umabot sa mataas na katergorya ang banggaan nung dalawang ahensya kaya umeksena na ang Malakanyang.
Nakumpurmiso ba itong si LTFRB at Malakanyang sa Truckers Associations at kompanya ng mga bus kaya todo-diin ang salag? Natunugan ba nitong si MMDA na nabukulan siya kaya binulabog niya ang tabakuhan ng LTFRB?
Sa likod kaya ng puting tabing sa Malakanyang ay may ganitong bulungan… Boss, awatin mo naman si MMDA kasi masisira tayo sa kausap natin? Nagbigay na sila Boss, iyon ‘yung ibinigay ko sa iyo kamakailan na nakalagay sa mga kahon?
MMDA at LTFRB, isyu ba ng bukulan ito? Kopo kasi ng LTFRB ang kabuhayan sa transportasyon kasi siya lang ang kakausapin dahil siya lang ang manghuhuli. Paano nga naman si MMDA?
Ang sabi ng kaibigan kong Instik ay pwede tayong pumili. Magdala ka ng sasakyan mula Quezon City hanggang Makati City pero tatlong oras ang biyahe o sumakay ka ng MRT ng isang oras pero balyahan sa pila at mala-sardinas ang sikip.
Ang pangalan ng kaibigan kong Instik ay Tan Ng Niu Dy Yan!
***
Para sa inyong komento o suhestyon: 09237397381 EKSPERTO/Joie O. Sinocruz, Ph.D.