NOONG malapit nang bumaba si Pangulong Arroyo sa Malacañang, naghahanap ang taumbayan ng magiging bagong Presidente na makapagpapakulong kay Gloria.
Galit ang taumbayan kay GMA dahil sandamukal ang mga kabalbalan sa kanyang administrasyon.
Nangunguna sa sarbey si Manny Villar pero pinagdududahan siyang patagong manok ni GMA.
Ang talagang kandidato ng administrasyon na si Gibo Teodoro ay ayaw rin ng taumbayan.
Kutis-mayaman kasi si Gibo kaya hindi raw niya magi-gets ang mahihirap.
Si Mar Roxas na kandidato ng noo’y oposisyon na Liberal Party ay hindi makaangat-angat sa mga sarbey.
Hindi pa rin siya ang hinahanap ng taumbayan.
Kaya pumasok sa eksena si Noynoy Aquino. Nagbigay ng daan si Roxas sa pag-aakala niyang siya ang mananalong bise-presidente dahil ka-tandem ni Noynoy.
Pero may kumilos na grupong “Samara at ikinampanya ang “NoyBi” o Noynoy-Binay.
Nanalo si Noynoy at ginawa niyang maipakulong si Gloria. Pinatalsik din niya si Chief Justice Renato Corona na “midnight appointee” ni GMA.
Ikinulong din ang mga nasa oposisyon na si Sens. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa isyu ng pork barrel scam.
Katatapos pa lang ng halalang 2010, agad nang nagsabi ng interes si Binay na tatakbong Pangulo sa 2016.
Sa ngayon, siya na raw ang “man to beat” sa 2016, base sa mga naglalabasang sarbey.
Lumabas ang mga ugong na posible siyang ampunin ng LP bilang standard bearer.
Basbas na lang ni PNoy ang kailangan. Gusto ng presidential sisters ang ideyang ito.
Bakit? Si Binay ay parang kapamilya na ng magkakapatid na Aquino. Tinitingnan nila ang matapat na ginawang paglilingkod ni Binay kay Cory noong nahaharap ang ginang ni Ninoy sa mga pagtatangkang siya ay ibagsak.
Importante sa mga Aquino lalo sa presidential sisters ang magiging panalo ni Binay sa 2016.
Hindi nila hahayaang makita si PNoy na makulong, magkasakit at maupo sa wheelchair matapos ang kanyang termino dahil sa usapin ng korapsyon.
Kung hindi manok ni PNoy ang susunod na maluluklok, tiyak nang kulong siya sa 2016. Hindi makapaghuhugas ng kamay si Noynoy at makapagtatago sa ilalim ng katwiran na “in good faith” ang ginawa niyang paglulustay sa pondong tinawag na DAP kahit dinesisyunan ito ng Korte Suprema na iligal.
Ngayon ang tanong kay Binay. Handa ba niyang pakasuhan at ipakulong ang anak ni Cory na kumuha sa kanya noon para maging mayor ng Makati City? Nakahanda ba siyang biguin at paiyakin ang presidential sisters?
Kuhanin man si Binay o hindi bilang manok, ang kapalaran ng LP sa susunod na eleksyon ay pupulutin na sa kangkungan dahil sa mga pinaggagawa ng kanilang Presidente PNoy.
Pihadong hahanap muli ng kandidato si Juan dela Cruz para panagutin si PNoy sa oras na magwakas na ang kanyang mandato.
Sigurado nang hindi ito si Binay. E sino? KANTO’T SULOK/Nats Taboy
