MUKHANG desperado na ang Liberal Party ni Pangulong Noynoy Aquino dahil sa mungkahi nitong pag-aamyenda sa Saligang Batas ng bansa.
Halata kasing hindi pwede ang kanilang pambato na si DILG Sec. Mar Roxas kaya ang second term ni PNoy ang kanilang isinusulong.
Sa parte naman ni PNoy ay mukhang wait and see ang nagiging diskarte nito dahil walang malinaw na pahayag ang anak ni Tita Cory na hindi na siya tatakbo muli na Presidente ng bansa at hindi siya makapapayag na amyendahan ang Konstitusyon na inaprubahan noong panahon ng kanyang ina.
Malinaw kasi sa Article VII, Section 4 ng Saligang Batas ng ‘Pinas na bawal ang pangalawang termino sa Pangulo kaya no choice ang mga sipsip na tuta ni PNoy kundi amyendahan ang sandigan ng lahat ng mga batas sa bansa.
Sa pinakahuling mga survey ng SWS at Pulse Asia, malinaw na hindi umaangat itong si Roxas kaya ang isang masugid na alagad nila sa Kamara na si Cong. Egay Erice ay nag-iingay para sa ikalawang term ni PNoy. Batid ng lahat na ayaw ni PNoy ang Charter Change kaya labis ang pagtataka ng marami kung bakit dedma sila ngayon sa nasabing panukala.
Maging ang mga tagapagsalita ng Palasyo ay hindi parehas ang tono sa Chacha kaya lalong nagugulumihanan ang lahat sa naturang isyu.
Konkreto at solidong pahayag buhat mismo kay PNoy ang inaantay ng taumbayan hinggil sa second term issue kaya lahat ng partidong kaalyansa ng LP ay nganga rin dahil ang kumpas ng anak ni Tita Cory ang magdedetermina kung ano ang kanilang gagawing hakbang.
o0o
Aksyon mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang kailangan ngayon ng Bayan ng Obando.
Grabe na kasi ang pinsala at perwisyong idinudulot ng araw-araw na pagbaha sa nasabing bayan.
Sobrang pasakit at pabigat na sa kabuhayan ng mga taga-Obando ang baha kaya dapat nang pumasok dito ang provincial government na pinamumunuan ni Gov. Wilhemino Alvarado.
Hindi sapat ang pondo ng Obando sa naturang suliranin kaya ayuda ni Alvarado ang kailangan dito dahil masyado nang bagsak ang kabuhayan ng Obando.
Dagliang pagkilos ang kailangan ng Obando dahil mukhang suko na rito si Mayor Edwin Santos, na mukhang sising alipin na rin sa kanyang ginawang pagtakbo bilang alkalde ng nasabing bayan. ALINGAWNGAW/Alvin Feliciano