PANALO ang mga residente ng Barangay San Agustin sa Malabon City dahil nagkaroon sila ng ama, bilang barangay chairman, itong si national shooting champion Nathaniel “Tac” Padilla na tunay na maaasahan sa paglilingkod sa kanila sa kabila ng kanyang tanyag na katayuan sa lipunan.
Tunay na hindi nagkamali itong mga ka-barangay ni Chairman Tac dahil nakita at naramdaman nila sa taong ito ang totoong pagmamahal at dedikasyon ng isang lokal na opisyal sa kanyang kinasasakupan.
Kasama ang kanyang pamangkin at kasalukuyang Barangay Ex-O na si Chime Padilla na laging nakaagapay rin at ‘di malayong maging isang pinuno rin ng barangay balang araw dahil sa kanya rin galing sa pagpapatupad ng mga batas, ating napag-alaman na sa kabila ng kanyang hectic schedules personal nitong si Chairman Tac na pinangungunahan ang regular na pagpapalinis ng mga kanal at iba pang tubig-daluyan sa San Agustin.
Kung dati maraming makikitang istambay at pasaway sa San Agustin, aba eh, ibang-iba na ngayon, kasi ginawang volunteers ni Chairman Tac ang mga ito sa paglilinis ng kapaligiran at pagroronda lalo na sa gabi.
Lalo pang pinaigting ng magtiyuhing “Tac and Chime” ang kampanya sa bawal na gamot kung saan mas nakatuon na ngayon ang mga kabataan ng San Agustin sa iba’t ibang sports activities at gawaing pambarangay na talagang tinutustusan ni Chairman Tac upang mailayo lamang ang mga ito sa masasamang bisyo at sa halip maigiya sila sa maayos na direksyon at magkaroon ng magandang kinabakusan.
Eto pa, bukod sa pagpapailaw sa mga eskinitang madidilim, nagawa pa nitong si Chairman Tac na maipaayos ang mga kalsada na laging binabaha kaya ngayon nadadaanan na ito ng mga ‘San Agustinians.’
Eto pa uli, at t’yak wala ito sa ibang barangay pero sa San Agustin libre ang pagpapalibing sa mga kapos-palad na kababayan nina ‘Tac at Chime.’ Ok ‘di ba? Syempre, hindi patatalo itong si Chairman Tac kung ang pag-uusapan ay ang paghahanda sa kalamidad.
Sa kanyang kinasasakupan ating napag-alaman ang halos regular na pagsasanay ng maraming volunteers kasama ang barangay officials upang lalong mapaigting ang kanilang disaster preparedness, galing ‘di ba?
Kung tutuusin, itong si Chairman Tac ay isang national figure na at kung kanyang gugustuhin mas mataas pa na posisyon sa pamahalaan ang pwede niyang marating pero nakatutuwang isipin na mas inuna pa niya ang paglingkuran ang kanyang ka-barangay.
Isang Bedan, kamakailan lang na-elevate itong Chairman Tac sa Sports Hall of Fame ng San Beda College bukod pa ‘yan syempre sa ‘sandamakmak’ na medalyang ginto na nakuha nito sa maraming shooting competititions na kanyang nilahukan kaya walang duda ang pagbibigay niya ng dangal sa ating bansa.
Mabuhay ka, Chairman Tac, sana dumami pa ang lahi mo! GOOD RIDDANCE/Arlie O. Calalo
