NAPADADALAS yata ngayon ang pagkasira ng mga bagon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Sa tuwi-tuwina ay humihinto ang mga bagon sa kalagitnaan ng biyahe, dahilan para maunsiyami ang riding public.
Ang pinakagrabe ay ang pagkalaglag sa riles ng isang bagon na kamuntikan nang ikinamatay ng maraming pasahero.
Tila nagkakatotoo ang sinabi ilang buwan lamang ang nakararaan ni katotong Jarius Bondoc sa kanyang kolum sa Star.
“A bomb waiting to explode,” ani Jarius sa kanyang paghahalintulad sa sitwasyon ng MRT at LRT dahil sa poor maintenance.
Sa pamamagitan ng kanyang sources, nabatid ng batikang Star columnist ang ‘di maayos na maintenance ng dalawang public transport firm.
Tama nga ang kanyang rebelasyon dahil ngayon ay nararamdaman na ng publiko ang pumapangit na serbisyo ng MRT at LRT.
Laking perwisyo nga naman sa riding public ang madalas na biglaang paghinto ng mga bagon sa kalagitnaan ng biyahe.
Ang MRT at LRT ang itinuturing na pinakamabilis at konbenyenteng transport system ngayon, pero kabaliktaran yata ang nangyayari.
Dahil imbes na mapadaling makarating nang maayos at ligtas sa paroroonan ay nadelikado pa ang buhay ng mga pasahero.
Ito’y dahil sa sinasabing ‘di maayos na pagkukumpuni ng kompanyang nanalo at naatasan na magsagawa ng maintenance MRT at LRT operations.
Kaya ‘di masisisi ang ilang kritiko na tawaging ‘running coffins’ ang mga train dahil sa madalas na pagkasira ng mga ito.
Ang madalas na pagkabinbin ng biyahe dahil sa tutuwina ay nasisira ang mga bagon ay senyales ng mas mabigat pang pagsubok.
Kailangang maging totoo ang PNoy administration sa kanilang ginagawa dahil sa isang pagkakamali, ang kapalit ay maraming buhay.
Sawa na ang taumbayan sa puro ngawngaw lang – aksyon ang kailangan para maging maayos ang naghihingalong operasyon ng MRT at LRT.
Kumuha ka, Ginoong Abaya, ng totoong maintenance company para wala nang hihinto pang bagon sa kalagitnaan ng biyahe.
Kapag kasi maayos ang maintenance ng MRT at LRT, maiiwasan ang disgrasya na kinatatakutan sa ngayon ng riding public. CHOKEPOINT/Bong Padua
