ILANG tauhan ng ibinotong opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang nagrereklamo laban sa kanilang amo dahil sila ang madalas mapagdiskitahan nito kapag natatalo sa casino.
Kahit dis-oras na raw ng gabi ay bubuligligin sila nitong kanilang boss na mainit ang ulo matapos manggaling sa Hyatt Regency Hotel and Casino dahil minalas sa sugal. Kaya naman kahit madaling-araw na ay kayod marino pa sila sa kalye para lang mapagbigyan ang kapritso nitong opisyal na umuusok ang bumbunan sa inis dahil nga malaking pera ang nawala sa kanya dahil sa kanyang masamang bisyo.
Ang pagpapatrabaho sa kanyang mga tao at pagpapakita sa mga mamamayan na kahit gabi na ay nagtatrabaho pa siya ang ginagawang paraan ng opisyal ng Manila City Hall na pang-alis malas at inis.
Pero gaano kaya katotoo ang balitang may isang tauhan ang mayabang na opisyal na ito na nagbitiw na sa kanyang tungkulin at ngayon ay ibinubulgar ang baho sa katawan at katarantaduhan ng kanyang dating amo. At totoo rin kaya ang ipinagkakalat nitong tauhan na ang kanyang abusadong amo ay nagpatalo ng P30-milyon sa casino sa Macau? Naman! Saan kaya galing ang perang ipinatalo nito sa sugal?
Ayon sa ilang source, may naipatayong gasoline station daw ang opisyal na ito mula sa perang kanyang kinita sa ghost employees at hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang pagkalinga nito sa mga ghost employee bagaman nagkaroon na siya ng problema sa usaping ito. May nagsasabi rin na ang perang ipinatatalo ng magaling na opisyal na ito ay galing sa gambling lords na kanyang kadikit.
Alam ba ni Mayor Joseph Estrada ito? Syempre, itinatanggi nito ang koneksyon niya sa mga gambling lord na kanilang nasasakupan.
Okay lamang sana na ang perang ipinatatalo niya sa sugal hindi lang sa Macau kundi maging dito sa Pilipinas ay galing sa sugal at ghost employees huwag lang sa droga. Sana nga ay huwag siyang pumatol sa droga dahil tiyak sa drugs magkakahetot-hetot ang buhay niya.
Teka, bakit kaya hindi ang opisyal na ito ang imbestigahan ng National Bureau of Investigation at Office of the Ombudsman? Alamin kaya nila kung saan nanggagaling ang pera ng opisyal na ito na ginagamit sa pagsusugal? Syempre, sasabihin nitong opisyal na madalas siyang nananalo sa casino kung kaya’t bumabalik siya.
Sino naman kaya ang niloloko nito? Alam naman ng marami na suwertihan ang paglalaro sa casino. Mas madalas ang talo kaysa panalo. Kaya nga madalas mainit ang ulo ng bossing na ito at pinagdidiskitahan ang kanyang mga tauhan kahit madaling-araw dahil talo sa sugal. PAKUROT/Lea Botones
