NOONG una, ang 115 Philippine contingent sa United Nations peacekeeping force sa bansang Liberia lang ang naiisip ng pamahalaan na pauwiin para maligtas sa nakamamatay na sakit na ebola.
Ngayon ay naisipan na rin nitong ilikas ang nasa 3,500-4,000 overseas Filipino worker sa mga bansang Liberia pa rin, Sierra Leone at Guinea na dinadapurak ng ebola at kinamamatayan na ng mahigit sa 1,500 katao.
Mabuti’t naisama na, parekoy, sa mga pauuwiin ng pamahalaan ang mga OFW at hindi lang ang contingent.
Sa programang ito, mahalagang-mahalaga ang pagturing sa oras na higit pa sa ginto dahil nakataya rito ang buhay at kamatayan ng libo-libo nating kababayan.
Hindi nga dapat na mag-aksaya ng oras ang mga kinauukulan upang ilayo sa mga bansang may ebola ang mga Pinoy sa nasabing mga bansa o kaya’y pauwiin sila nang diretso sa Pilipinas.
Ngunit dapat na kalakip ng programang ito, parekoy, ng malaking paghahanda sa pagtanggap ng mga ito.
Alalahaning libo-libo ang bilang ng mga ito at hindi imposibleng may nahawaan na rin ng nakamamatay na sakit.
Ngayon pa lang ay dapat nang ihanda ang mga quarantine area na sinasabing uubos ng kulang-kulang sa isang buwan, ang mga ospital na pupwedeng pagdalhan sa kanila kung makitaan sila ng sintomas ng sakit at impormasyon ukol sa sakit at paano tugunan ito sa hanay ng mga pamilya ng mga ito.
Nangangahulugan na ang lahat ng sangay ng pamahalaan mula sa nasyonal hanggang sa mga barangay ay dapat na magbantay lalo na kung iisipin na kakalat ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mula lamang sa mga eroplano, bus at barko na gagamitin sa pag-aalis sa kanila sa nasabing mga bansa, may problema na gaya ng maaaring pagtutol ng mga ito na isakay sila.
Kaya rito pa lang ay dapat nang handang gumastos at magsakripisyo ang pamahalaan.
At kung dumating naman sila sa Pilipinas, parekoy, dapat pa rin talagang pakilusin ang buong sarili nito para mapagsilbihan ang mga uuwi at maprotektahan naman ang kanilang mga daratnan. BURDADO/Jun Briones