SI Sec. Mar Roxas ang sumibak pero ang ulat siya rin daw ang nag-reappoint kay S/Supt. Rosauro Acio bilang police director ng Batangas.
Kung totoo ang balita na ‘yan, aba’y walang maaasahang tibay si Sec. Mar gayong pinupuntirya pa naman ang pagka-Pangulo come 2016.
Si Acio ay isa sa ilang opisyal at kawani ng kapulisan na tinanggal sa puwesto dahil sa kontrobersyal na pagkamatay ni Pandoy Morales.
Si Morales ay bata ni Vic Siman, gambling lord sa Region 4A at isa sa namatay sa sinasabi ng NBI na rubout sa Atimonan, Quezon.
Ang dahilan ng pagkamatay ng magkatuwang na krimen ay ang awayan ni Siman at isa pang jueteng group na pinoprotektahan umano ng kapulisan.
Para masugpo ang iligal na sugal at maiwasan na ang lumalalang krimen sa lugar, ipinag-utos ni Roxas ang pagsibak sa mga pangunahing opisyal ng rehiyon, isa sa kanila si Acio.
Pero ilang araw lang ay itinalagang muli raw ni Roxas si Acio bilang Batangas director, kaya ang resulta ay bumalik ang operasyon ng sugal sa lalawigan.
Hamon natin kay Sec. Mar: mag-isip naman bago gumawa ng desisyon.
OKS ANG BOC
Dahil sa magandang ipinakikita ng liderato ni Comm. Ruffy Biazon, oks na oks ngayon ang BOC sa panlasa ng mga international trader.
Gaya ng Japanese executives ng Sharp Philippines, Inc. na tila walang mapagsidlan ang tuwa nang lusubin ng BOC ang tindahan ng smuggled TV sets.
Bago ang raid, isinuplong ng Sharp Philippines sa BOC ang ilang tindahan ng smuggled Sharp TV sets sa Pasig na hindi accredited ng kompanya.
Mismong si Philippine Sharp Dir. Silverio Montalbo ang nagpaabot kay Biazon ng paghanga at pasasalamat sa ginawang aksiyon ng BOC sa kanilang sumbong.
Nadiskubre ang mga smuggled TV set matapos na humingi ng tulong sa Sharp Philippines ang accredited outlets nito matapos malaman na ang Style appliance store ay nagbebenta ng high-end Sharp LED TV na mas mura sa suggested retail price (SRP) nito.
Agad naglunsad ng surveillance ang BOC at matapos matuklasan na totoo ang sumbong ay sinalakay ang tindahan na nagbebenta ng mga smuggled SHARP TV.
Hindi lang ang Sharp Philippines ang natutuwa ngayon sa gumagandang tema ng negosyo sa pantalan kundi marami pang ibang malalaking international business.
Kudos kay Biazon at BOC.