MASAMA na yata ang resulta ng mga nagsisilakad gamit ang “Matwid na Daan” ni Pangulong Benigno Aquino 3rd. Aba, kung mapakikinggan mo ang kanilang interviews sa radyo at telebisyon, puro sablay, eh.
Katulad ni Pangulong Aquino. Nakaririnig ng mga boses ng kanyang boss? Ang siste nga, napakikinggan niya ang mga “boses” kahit wala siyang kasama o tao sa paligid?
Si MMDA chief Francis Tolentino, heto bagong “imbento” niya sa kalsada. Ipatutupad ang “single lane for trucks”. Hahahaha. Malilimutin o hibang din siya? Anyare ba sa palpak mong motorcycle lane?
Si energy boss, Jericho Petilla, wala namang ginawa kundi manakot ng brownout sa isang taon. Tingnan mo ‘yan, ha, sa halip na hanapan ng solusyon, eh, mas gusto niya na gawing diktador si PNoy sa pamamagitan ng pagdeklara ng “state of emergency” para raw hindi tayo mawalan ng kuryente?
Si DENR boss Ramon Paje, para lang may balita, ibabalik daw niya ang sigla ng mga gubat katapat ng mahigit na P2-bilyong pondo na hinihingi niya sa Malacañang.
Talaga?
Para rin tanga at hibang ang hepe ng MIAA, GM Jose Angel Honrade. Pinasok daw ng mga “terorista” ang sakop niya at nag-iwan ang bomba sa isang kotse roon sa parking lot ng airport. Pasasabugin ang paradahan at hindi opisina niya?
Iniupo ni Pnoy si Kiko Pangilinan sa NFA at mga kauring opisina para tulungan siyang ibalik ang tamang sistema, lalo na sa pagkontrol sa importasyon ng bigas, ibalik ang presyo para abot kaya ng mga boss ni BSA3. Ang solusyon, todo import.
Hayun, triple ang dami ng kita nila!
Asan ba ‘yung pangako ni Boy Yabang Proceso Alcala na balik-eksporter tayo?
Guni-guni ng baliw lang ba ‘yun?
Si DOTC boss Jun Abaya naman, napikon dahil matapos siyang mangako na hindi na magkakaaberya sa MRT dahil inutos niya na pabagalin ang takbo ng mga tren sa 40KPH lang, aba, resulta, tirik uli!
Kaya sabi niya, “sinadya kong personal na inspeksyunin na walang media para ipakitang simple lang tayo…”
Sus, paano nakuhanan at naipalabas sa telebisyon lahat ng inyong aksyon habang mayroon pa kayong tagapayong? Nakahihiya naman.
Natatawa tuloy sa iyo si Senator Grace Poe, Mr. pABAYA!
At ang mga kongresista, hindi nagpahuli. May nagpanukala na “one more term via cha-cha at mayroon din gawing hari si PNoy via declaring the Philippines bilang isang monarkiya!”
O, hindi ba? Mga baliw at hibang na sila? BALETODO/Ed Verzola
