MARAHIL ay panahon na para lumikha ng bagong anti-kidnapping task force na tulad ng PAOCTF, o palakasin man lang ang grupong nakatalaga sa ngayon kaugnay ng problemang ito upang mapadali ang patuloy na pagsubaybay at pagkilala sa kidnap-for-ransom groups nang hindi naghihintay na may mabiktima ang mga ito.
Ngayong tumataas na naman ang bilang ng mga insidente ng kidnapping, ang task group ay dapat maging maagap. Sabi nga ng mga dayuhan, “An ounce of prevention is worth a pound of cure.”
Mr. President, kinikidnap na po ang mga “boss” ninyo ng mga pusakal na walang takot gumawa ng krimen kahit tanghaling tapat at sa mga lugar na nasa tungki ng ilong ng Philippine National Police. Ito ay maliwanag na paghamak sa batas at sa ating kapulisan.
Nais ni Senator Chiz Escudero na kumpirmahin ng PNP ang mga ulat na tumaas ang mga kaso ng kidnapping. Upang bigyang-diin ang pagiging brutal ng mga kriminal sa kasalukuyan ay tinukoy niya ang kaso kamakailan ni Benito Chao, isang negosyanteng Filipino-Chinese na kinidnap sa Bulacan at pinaslang ng kanyang mga kidnapper.
Binanggit din ng senador ang video na kumalat sa social media na nagpapakita sa mga pasahero na tinutukan ng baril ng isang grupo ng kalalakihan at puwersahang pinababa sa kanilang sasakyan habang nasa EDSA. At tulad ng madalas mapanood sa mga pelikula, nakaalis na ang mga kriminal bago dumating ang mga pulis.
Ang mga insidenteng ito na nagpapamalas ng lakas ng loob ng mga bandido na gumawa ng krimen anomang oras nila gustuhin at ang pagkabigo ng mga alagad ng batas na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan, ay nagtanim ng takot sa puso ng marami nating kapatid na Chinese-Filipino.
Maaaring matapang ang ilang pamilya sa paghingi ng tulong sa mga pulis kapag may dumukot sa kanilang mahal sa buhay. Pero nakikiisa ako sa pananaw ni Senator Escudero na maraming pamilya na binalot ng pangamba sa ganitong karanasan ang pinipiling manahimik matapos bayaran ang ransom, kaysa harapin ang posibleng pagganti ng mga kidnapper.
Ang iba ay naniniwalang ang muling paglutang ng KFR groups at pagdami ng mga kasong kidnapping ay may kaugnayan sa nalalapit na Pasko, na ipinagdiriwang ng lahat, maging modelong mamamayan man sila ng lipunan o masasamang-loob na kinokondena ng publiko.
Pero para sa komunidad ng mga negosyanteng Chinese-Filipino, ang mga grupong KFR ay muling naging aktibo dahil sa nalalapit na halalan sa 2016. Kailangang makapag-ipon ng pondo para sa kampanya ng mga tiwaling politiko, kahit na may biktimahin pa sila para maisakatuparan ito. Tulad ng mga nakalipas na taon, pupuwersahin silang magbayad ng milyon-milyong pisong ransom para sa kalayaan ng kinidnap, nang walang katiyakan kung ito ba ay palalayain at muli pang masisilayan ang araw.
Paano titiyakin ng Pangulo ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa ilalim ng kanyang pamumuno, kung naging pabaya ang mga pulis sa pagbibigay ng sapat na seguridad upang mapigilan na maganap ang isang krimen?
Ang ilang pulis ay mga scalawag na nakauniporme at nakatutok lang sa pangingikil sa iligal na panghuhuli at paghingi ng pera kapalit ng pagbibigay-proteksyon sa mga iligal na negosyo. Ang mga nananatiling tapat sa kanilang tungkulin bilang opisyal ay kadalasang umaaksyon kapag naganap na ang krimen, na maaaring lumabas na huli na sa isang emergency kung saan ang buhay ng biktima ang nakataya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/Robert B. Roque, Jr.