SANGKATUTAK ang kaaway ngayon ni Manila City Vice Mayor Isko Moreno.
Magmula sa ordinaryong vendors, drivers ng truck, jeep, pedicab, negosyante at truck owners ay nagngingitngit ang galit ngayon ng mga ito sa pangalawang punong lungsod ni Erap.
Matindi ang ginawang pagdurusa at paghihirap ng naturang mga sektor kay Isko at iyan ang dapat niyang timbangin at suriin dahil ang sektor ding ito ang nagdala sa kanya sa tugatog ng tagumpay sa politika.
Mag-ikot ka ngayon sa Maynila ay kitang-kita sa less fortunate sector na ito ang pagkadismaya dahil ang dati nilang kasama sa lansangan na dapat sanang tagapagtanggol nila ay siya ngayong nagpapahirap sa kanilang hanay.
Karamihan tuloy sa mga naririnig natin ay gaganti na lamang daw sila kay Isko sa eleksyon kaya mukhang magdodoble kayod ang batang taga-Tondo upang makuha muli ang simpatya ng mga tunay na anak ng Maynila.
Mabigat ang kahaharaping pagsubok na ito ni Isko dahil ang mga anakpawis na nasagasaan ng kanyang kampanya kontra trapiko ay kabilang sa maiingay na sektor kaya mukhang dapat ikonsidera na ni Isko ang pakikipagbati sa mga maralitang hanay na ito.
Kung mag-iingay ang mga anakpawis na nasagasaan ni Isko ay tiyak namang magpi-finance ang mga negosyante at truck owner para matalo si Moreno dahil grabe ang pahirap nilang inabot dito.
Sa salitang Chinese, lugi negosyo ang kanilang inabot sa kamay nina Erap at Isko at ito ang kanilang ipaglalaban dahil kinabukasan din ng mga mayayamang sektor na ito ang nakataya.
Marami nga tayong naririnig na kung si dating Mayor Fred Lim at si Isko lang daw ang magkakalaban sa 2016 mayoralty race ay kayang-kaya itong talunin ng dating alkalde dahil si Moreno raw mismo ang nangangampanya para huwag siyang iboto.
Simple lamang ang logic na ito sa politika at iyan ay ang pagkakaroon ngayon ni Isko ng negatibong boto kumpara sa dating lahat ay kanyang kakampi.
Mayroon pang panahon para mag-adjust at magbago ng taktika si Isko kaya dapat gawin na niya ito dahil baka pulutin siya sa kangkungan na mayroong pang pabaon na sangkatutak na kaso katulad ng plunder o pandarambong na may 40-taon na pagkakulong ang parusa. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO