Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

KUNG GUSTO, MAY PARAAN NI PNOY SA TERM EXTENSION

$
0
0

KATATAPOS lang ang botohan sa Yahoo Philippines ukol sa pagtakbo o hindi ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang halalan para sa ikalawa niyang termino.

Olats o talo si PNoy, mga Bro.

Ayaw ng nakararaming botante na manatili sa puwesto ang Pangulo na anak nina ex-Senador Ninoy Aquino at ex-Presidente Cory.

Heto ang resulta ng katatapos na halalan.

May kabuuang 47,058 ang gustong bumaba na si PNoy bilang Pangulo habang 34,674 ang pabor sa kanyang pananatili sa puwesto o kapangyarihan.

ANG TANONG

Tanong ng Yahoo Philippines: Should Aquino be allowed to run for a second term?

Para sa pabor, ito ang linya ng salita: Yes! He needs more time as a President.

Para sa kontra, heto naman ang linya: No. He should step down in 2016.

Olats si PNoy. Botong 12,348 ang lamang ng ayaw na kay PNoy bilang boss ng mahal kong Pinas.

Sa ibang sukatan, mga Bro, 58% ang bwisit na kay PNoy samantalang 48% ang sinusuwerte sa kanya.

MAS MALAKI SA SWS, PULSE ASIA

Mas malaki ang bilang ng mga bomoto rito kumpara sa mga sumasagot sa sarbey na isinasagawa ng Pulse Asia at Social Weather Station na may 1,200 na “respondents” lamang.

Kung ano ang ibig-sabihin nito, mga Bro, bahala na kayong mag-isip.

Pero bukas sa madla ang halalan sa Yahoo Philippines samantalang ang katas na lang ng sarbey ang pinalalabas ng SWS at Pulse Asia.

Ibig bang sabihin na higit na kapani-paniwala ang halalan sa Yahoo Philippines kaysa sa “halalan” sa SWS at Pulse Asia?

Nasa sa inyo na ang kasagutan o sariling paniniwala at hindi natin saklaw ‘yan.

Pero ang malinaw, walang pinag-uusapang anomang porsyento na pagkakamali rito. Basta natapos ang halalan na isinagawa ng isang buwan yata.

MAY SARILI

May pinalulutang naman ang kampo ni PNoy na sarbey.

Overwhelming daw o landslide ang kagustuhan ng mga Pinoy na manatili ang asyenderong anak nina Ninoy at Cory.

At ito ang nagbunsod ng pagpapalutang ng balita para sa ikalawang termino ni PNoy. Kung ano raw ang magiging boses ng kanyang boss, baka ito ang susundin niya.

Sabi nga niya, sana naman hindi si PNoy ang papalit kay Benigno Simeon Aquino III sa puwesto magsimula sa 2016 hanggang 2022 at higit pa.

Wala kasing pambato ang partido ni PNoy sa 2016 dahil ang binibigyan ng pagkakataon ay ayaw kagatin ng masa. Kung kakagatin man ito, ‘yung kakagatin siya nang totoo sa halalan para hindi siya makapasok sa Malakanyang.

REMATE SURVEY

Parang survey na rin ang ginawa ng ating pahayagang Remate ukol sa pananatili o hindi ni PNoy sa Malakanyang.

Ang tanong natin sa nakaraang buong linggo ay: tama bang baguhin ang 1987 Constitution para lang manatili sa puwesto si Pangulong Aquino?

Kung nasubaybayan ninyo ang napakaraming nag-text, mga Bro, magugulat kayo sa reaksyon.

Marami ang pabor kay PNoy. Pero mas marami ang kontra kay PNoy… bukod pa sa galit ang mga ito sa pagdamay sa Konstitusyon para lang magawa ni PNoy ang nais nitong pananatili sa Malakanyang.

Sa pagkwenta natin sa resulta, kabilang na ang hindi natin nailabas dahil sa limitasyon sa panahon at espasyo, nasa 75% ang kontra kay PNoy samantalang nasa 25% lang ang pabor sa kanya.

KUNG GUSTO, MAY PARAAN

Sa pagbiyahe ni PNoy sa mga bansa sa Europa sa mga araw na ito, natanong siya ukol sa isyu na term extension.

Anak ng tokwa, kasagot-sagot ba naman niya, eh, “kung gusto, may paraan.”

At hanggang ngayon, patuloy niyang dinirinig ang boses ng kanyang mga boss.

Sino-sino ba talaga ang kanyang mga boss, mga Bro? Marami ang nagdududa kung sino ang kanyang mga boss.

Pero iisa ang sinasabi ng marami. Ang mga boss niya ay ang kanyang mga tauhan na handang ibigay sa kanya ang lahat ng pupwede niyang daanan tungo sa gusto niyang kamtin.

RETOKE SA KONSTITUSYON

Pinakamabisa ang pagretoke sa 1987 Constitution para sa term extension.

Tatlo kasi ang sinasabi ng 1987 Constitution na paraan para maretoke ito.

Isa na ang Constituent Assembly o pagbubuo ng mga kongresman at senador bilang may tungkulin na baguhin ang Konstitusyon.

Maaaring retokihin nila ito nang sama-sama o magkahiwalay, depende sa kung ano ang gusto nila dahil gusto nga nilang balewalain ang pakikialam ng Supreme Court dito.

Kapag naganap ito, baka hindi lang term extension ang magiging pagbabago.

Pupwede nilang gawing parliamentaryo ang sistema ng gobyerno at buwagin ang sistemang presidential.

‘Pag naganap ito, mga Bro, wala nang halalan sa 2016.

At magiging punong ministro si PNoy na pinakamakapangyarihang opisyal sa Pinas.

Sa sobrang dali na masuhulan ang mga tatayong mambabatas, pupwede na ring magiging lifetime ang pagiging Punong Ministro ni PNoy at magiging lifetime rin ang termino ng kanyang mga KKK o asungot. Hehehe.

MARTIAL LAW PWEDE RIN

Sa rami ng mga nanggugulo sa mahal kong Pinas mula sa mga kidnapper for ransom na mga pulis hanggang sa mga Abu Sayyaf at New People’s Army, pupwedeng maulit ang mga bombahan kahit saan at isisi sa lahat ng mga “nanggulo” ito, kasunod ng deklarasyon ng martial law.

Mas madali ito para sa term extension dahil ang dulo na ng baril ng mga militar at pulis ang gagamitin para sa pananatili sa kapangyarihan ng lahat ng mga ganid sa poder. Kakatakot!

Sana naman po walang mangyaring ganito.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>