NOONG nagdaang issue, tinalakay natin ang magiting na pagtatanggol ng mga Filipinong UN Peacekeeper sa kanilang kampo na position 68 sa Golan Heights. Nang kumagat ang dilim at hindi pa rin nalupig ng Syrian rebels ang mga Filipino, nagpahinga sila at humingi ng karagdagang tropa upang muling simulan ang pag-atake kinabukasan. Subalit pinairal ng mga Filipino hindi lang tapang kundi talino sa pakikipaglaban. Balot ng kadiliman, at sa kabila ng mga bomba (land mines) na ikinalat ng mga rebelde sa paligid ng Position 68, nakapuslit ang mga Filipino Peacekeeper at natakasan nila ang mga rebeldeng Syrian.
Nagbunyi at ikinarangal ng sambayanan ang ipinamalas na kabayanihan ng Filipino Peacekeepers. Kinilala rin ng mundo ang propesyonalismo at galing ng mga Filipino. Subalit nahaluan ng kontrobersiya ang tagumpay na ito ng sabihin ng UNDOF Commander na si Lt. Gen. Iqbal Singh Singha na sinuway ng mga Filipino ang kanyang utos. Hindi rin daw kinilala ng mga Filipino ang Chain-of-Command. At ang mas matindi, isa umanong karuwagan ang ginawang pagtakas ng mga Filipino mula sa Position 68.
Tugon naman ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang, Jr., iligal ang utos ni Lt. Gen. Singha na huwag lumaban ang mga Filipinong sundalo at isuko ang kanilang mga armas sakalit sila’y lulusubin. Dahil dito, napilitan si Gen. Catapang na kunin ang pamumuno at manduhan niya mula sa Maynila ang mga Filipinong sundalo. At na-override ang Chain of Command (CoC) ng UN Disengagement Observer Force ng Chain of Command ng AFP.
Ano ba ang konsepto ng Chain-of-Command? Sa wikang mauunawaan ng madla, ang CoC sa military organization ay ang linya ng pagkakasunod-sunod ng mga kumander sa iisang yunit mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas. Subordination naman ang pagtalima ng isang mas mababang level ng kumander sa utos ng sumusunod na mas mataas na kumander. Sumusunod sa CoC ang isang Company Commander sa pagtalima sa utos ng kanyang immediate commander na si Battalion Commander; si Battalion Commander sa Brigade Commander; at si Brigade Commander sa Division Commander.
Ang hindi pagsunod sa CoC o Command Line ay isang kaso ng insubordination na may mabigat na kaparusahan sa ilalim ng Articles of War.
Ang pagsunod na itinatadhana ng chain of command ay ang pagtalima sa mga utos o order na naaayon sa umiiral na polisiya, dikreto, kautusan o batas. Samakatuwid, tanging ligal na utos lamang ang maaaring ipasunod. At ang hindi pagsunod sa iligal na order ay hindi maaaring pagbasehan ng kasong insubordination. Ito naman ang konsepto ng obedience to legal orders.
Pangkaraniwan na nagtatalaga ng commander on the ground sa panahon ng krisis. At kung may umiiral nang organizational structure, ang commander na ‘yun ang binibigyan ng buong kapangyarihan na dumiskarte sa krisis na kinakaharap ng kanyang yunit. Base naman ito sa tumpak na kaisipan na ang mga desisyon ng commander sa ground ay halaw sa kanyang pagtaya sa buong sitwasyon na hindi nakikita ng sinomang commander na wala roon. Tanging sa pambihirang pagkakataon na ang diskarte o pamumuno ay maaaring pakialaman ng mas mataas na pinuno na wala sa lugar na pinangyayarihan ng insidente. At iyon ay kung ang commander on the ground ay nasa sitwasyong nawalan na ng kakayahan upang pangunahan ang kanyang yunit.
Sa naganap sa Golan Heights, ang itinuturing na commander on the ground sa Position 68 ay si Captain Nilo Ramones. Sa Golan Heights naman, Si Lt. Gen. Singha naman bilang punong heneral ang commander on the ground. Malinaw na hindi siya sinunod ni Captain Ramones at ng iba pang commanders mula sa Philippine contingent ang Chain of Command at ang utos ng Commander on the Ground sa Golan Heights. Subalit gaya ng nabanggit na natin kanina, ang isa sa pambihirang pagkakataon kung saan sinasapawan ang utos ng commander on the ground at maaaring hindi sundin ang utos nito ay kung ang order ay iligal gaya na pagsusuko ng armas at hindi paglaban sa mananakop na rebelde.
Sadyang natatangi ang istruktura ng pagkabalangkas ng organisasyon sa UN Peacekeeping. Ang mga contingent na nagmula sa iba’t ibang bansa gaya ng Pilipinas ay sumasailalim sa pamumuno ng overall commander ng UNDOF sa kaso sa Golan Heights. Subalit hindi nawawala ang loyalty ng mga Filipino sa kanilang sariling Chief of Staff. At sa sitwasyong kinaharap ng Pinoy Peacekeepers, inaasahan nang iiral ang lokal na Chain of Command sa AFP.
May mga panawagan ng imbestigasyon sa naganap sa Golan Heights. Sa ganang akin, dapat ipagpatuloy ang pagsisiyasat subalit dapat ito’y gawin, tapusin, at ang resulta’y talakayin nang tahimik ng pamunuan ng UN. Ang resulta noon ay dapat maging basehan ng pagbabalik aral sa rules of procedure, rules of engagement, chain of command, at iba pang sumasaklaw sa UN Peacekeeping operations, lalo na ang hinggil sa sitwasyong kinaharap ng Filipino Peacekeepers.
Sa kabila ng lahat, walang duda na naging kahanga-hanga ang naging pagkilos at resulta ng repositioning operation ng ating Peacekeepers sa Golan Heights. Muli nating naipakita sa buong daigdig ang kalidad ng sundalong Filipino. Maligayang pagbabalik ngayong araw na ito, Philippine Contingent to UN Disengagement Observer Force sa Golan heights. Mabuhay!
(Sa inyong reaksyon, i-email sa edare-valo90@yahoo.com o i-tweet sa atty_edarevalo.) PUNTONG MARINO/ATTY. EDGARD AREVALO