NGAYON pa lang, kanya-kanyang paetsing na ang mga politikong nangangarap makaharbat ng mas mataas na posisyon sa bansa.
Isa na riyan parekoy si Sen. Allan Peter Cayetano, na sa pamamagitan ng ipinalalabas sa mga telebisyon na pambobola kontra kuno sa kurap, ay halatang umungos na sa pangangampanya. Ayon sa impo, nangangarap siyang maging Bise-Presidente.
Lumulutang din, parekoy, ang mga pangalan nina Sen. Bongbong Marcos, Escudero, Kiko Pangilinan, Grace Poe, Sec. Mar Roxas, atbp.
Ang nais lang natin silipin, parekoy, ay kung ano ang magiging porma ng kanilang campaign materials. Halimbawang mag-tandem sina Sen. Poe at Kiko Pangilinan, pwede na kaya ito?
Iboto ang “Poe-Kiko!”
‘Di kaya masagwa? Hek, Hek!
Syempre ang kanilang supporters ay iwawagayway ang kampanya kontra corruption, kaya sisigaw ng . . . Malinis ang “Poe-Kiko” kaya dapat iboto! Asus!
-o0o-
Nasa 9 ang rating na ibinigay sa kanyang sarili nitong kapalmuks na si PNP Chief Allan Purisima noong tinanong siya ni Sen. Poe kung anong rating (1-10) ang kanyang maibibigay sa kanyang performance.
Susmarya ka, Purisima! Sa ilalim ng iyong pamumuno ay sandamakmak na kabalbalan ang kinasasangkutan ng mga pulis habang ikaw naman ay tadtad ng isyu kaugnay sa hindi maipaliwanag na kayaman. Tapos 9 pa ang rate mo sa iyong sarili? King-ina!
Aha, nag-usap nga pala muna ng masinsinan sina Pangulong Aquino at Gen. Purisima bago ito humarap sa Senado.
Marahil ay ganito, parekoy, ang nagiging takbo ng kanilang abnoyan, este, bolahan.
PNoy: Alam mo, General, kahit totoo pa ang lahat ng ill-gotten wealth mo at maging ang mga kasong kinasasangkutan na iyong mga pulis ay wala akong pakialam. Ang mahalaga ay walang iwanan, walang bibitaw at walang babaliktad kung sakaling mapikon na ang taumbayan at umaklas laban sa akin!
Kaya naman, anoman ang sasabihin nila, isa lang ang alam ko: na ikaw ang pinakaepektibo, pinakamalinis at pinakainosente sa lahat ng naging PNP Chief!
Gen. Purisima: Salamat po sa tiwala, mahal na Pangulo. Kayo rin po ang alam ko na pinaka-epektibo, pinakamalinis, pinakamatino at pinakasinsero sa lahat ng naging Pangulo!
PNoy-Purisima: (Sabay apir pa!) Ang galing natin ano? Ang tino natin at ang linis natin!
Hak, hak, hak! Kaya naman pala number 9 ang rating na ibinigay ni General sa kanyang sarili, eh, kagagaling pa lang palang makipag-abnoyan! Hak, hak, hak!
Kasama kaya si “Joshua” sa abnoyan nila? Bwar, har, har! BURDADO/JUN BRIONES