MADALI lang gumawa ng kwento kung gusto lang talagang wasakin ang reputasyon ng isang tao.
Hindi naman pala si Vice-President Jojo Binay ang nagmamay-ari ng umano’y 350-hectare property sa Rosario, Batangas na ipinagmagalingan sa Senate Blue Ribbon sub-committee hearing na umano’y wala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Dismayado ang businessman na si Tony Tiu sa pagkakakaladkad sa kanyang pangalan sa isyu.
Nilinaw niyang nagli-lease lang ang mga Binay ng humigit-kumulang na 10 ektarya sa agri-tourism farm na pag-aari ng Sunchamp Real Estate Development Corp. Ang lupang ni-lease ay ginagamit ng mga Binay para sa isang orchid farm, paglilinaw ng negosyante.
Si Tiu, opisyal ng Sunchamp na majority owned ng kompanyang Green Energy at minority owned siya ay nagsabing wala siyang koneksiyon sa pamilya Binay.
Magagalit nga ang nasabing negosyante sa akusasyong tumatayo siyang dummy ng mga Binay.
“I have no connections with the Binay family except for my current law firm. It is really unfortunate that I am being dragged into this political circus by baseless allegations,” aniya.
Nasa ibang bansa raw si Tiu at sa pagbalik niya sa Pilipinas, haharapin niya ang mga aniya’y “unscrupulous politicians” para linisin ang kanyang pangalan.
Ano kaya ang masasabi ng tatlong senador na buking na buking na ang pagkakaroon ng political agenda sa pagbibigay ng media mileage sa mga akusasyon laban kay VP Binay?
Tama lang talaga si VP Binay na huwag dumalo sa political circus sa Senado dahil hindi niya dapat i-dignify ang mga paratang na aniya’y matagal na niyang nasagot?
Kung titingnan ang isyu, kitang-kita na nilagyan lang ng malisya ng detractors ni VP Binay ang minsang pagnenegosyo ng babuyan at ngayon ay orkidyas ng pamilya.
Ano ba ang facts of the case batay sa mga dokumento na nasa SALN ni VP Binay at records ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stocks Exchange? Mula 1994 hanggang 2010, nag-lease ang mga Binay ng siyam na ektarya sa naturang property para sa negosyo nilang babuyan. Noong 2010 ay ibinenta ng mga Binay ang babuyan sa Agrifortuna, Inc., isang kompanya na pag-aari ni Laureano Gregorio na engaged din sa hog nursery sa parehong area kung saan din nagbabuyan ang mga Binay.
Bagama’t si VP Binay at kanyang asawa ang nag-incorporate ng Agrifortuna sa paid-up capital na P50,000, noong 1995 pa o dalawang dekada na ang nakararaan nang ibinenta nila kay Gregorio ang kumpanya.
Nangangahulugan, wala nang investment o interes ang mga Binay sa Agrifortuna simula 2010 at nang i-acquire ng Sunchamp Real Estate mula kay Gregorio ang Rosario, Batangas agri-tourism park noong 2013.
Ang lahat ng impormasyon tungkol sa single proprietor piggery business ng mga Binay na ibinenta na nila ay nakasaad sa kanyang SALN.
Kumpleto rin ang record sa SEC at PSE kung papaanong na-acquire ng Sunchamp mula sa Agrifortuna ang pagmamay-ari ng 145-hectare (hindi 350 hectares) property sa Rosario, Batangas. Sa record ng SEC at PSE ay walang anomang investment ang mga Binay sa Agrifortuna o sa Sunchamp.
Aba’y talaga naman palang napakadaling magparatang, magbintang o magtahi-tahi ng kwento lalo na kung ang nagpaparatang ay may kakamping mga senador na nagtutulak ng common agenda na siraan si Binay.
King ‘na n’yu talaga! KANTO’T SULOK/NATS TABOY