ALAM kaya ni Bacoor Mayor Strike Revilla, pati ni Atty. Dolores Yumol, ang kalokohan nitong isang maangas at ‘kotongero’ na traffic enforcer na may pangalang Daniel Quintana?
Ating nabatid na madalang daw na magpakita ito sa trabaho pero kapag naka-poste naman ito sa kanyang paboritong lugar sa may Molino traffic lights, t’yak tiba-tiba ito sa delihensya.
Ito’y dahil sa lahat halos ng mga motorsiklo na dumaraan ay kanyang hinaharang at ‘pag may sumalto sa mga ito, eh, ang lagay ba, ganun na lang? Hehe!
Isa pang nakarating sa inyong lingkod na ok lang sana na masigasig itong si kumag na Quintana sa pagsita ng mga motorsiklo na paso na ang rehistro.
Kaya lang, maganda sana kung siya ang ehemplo, pati ang iba n’yang mga kasamahan.
Kasi lumalabas na paso rin pala ang rehistro ng mga motorsiklo nila, ‘di ayos!
At eto pa. Talagang sagad sa kalokohan itong si Quintana.
Ating nabatid na sa kanya raw naghahatag ng lagay itong mga pumipila na FX at UV van na may biyaheng Lawton-Baclaran. Bigatin talaga, naman!
Aba’y tunay na bigatin ang damuho. Eh, bakit kamo? May amuyong pa itong si Quintana, ang alyas n’ya ay Bukbuk, na siyang lumalapit sa mga nasisita na motorista na agad bumubulong na siya na ang bahala sa boss n’yang si Quintana basta sumuka lang sila ng P300. Kagaling!
Nakupo, Mayor, lumalabas excess baggage mo itong si Quintana at t’yak may mga tiwaling kasama pa ‘yan.
Alam ko ayaw mo ng ganyan. Pati ikaw, Atty. Yumol, t’yak hindi mo kukunsintihin ang kalokohan nito. Pakikalos nga ang ‘tarant…’ na ito ngayon na nang hindi na makapangdamay pa ng ibang matitinong miyembro ng traffic enforcement ninyo.
Go Chief Larry!
Ibang klase rin ang sigasig nitong si Chief Larry Castro ng Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan City dahil tuluyan na nitong winalis ang mga obstruction sa main roads, lalo na sa Monumento at Sangandaan kung saan kasalukuyang sinisimulan nang itayo rito ang kauna-unahang SM Mall sa Caloocan City.
Unang-una na pinaghuhuli ni Chief Larry kasama ng kanyang mga tauhan ang mga sakit sa ulo na pedicab driver na animo’y sila na ang king of the roads dahil wala silang pakialam kahit nagkakabuhul-buhol ang trapiko dahil sa kanila.
Sa mga ambulant vendor naman, maayos silang pinakikiusapan ni Chief Larry dahil sadya naman silang dahilan ng mabigat na trapik.
Pero kahit batid n’ya na halos lahat ng mga ito, kasama ang mga pedicab driver, ay hindi taga-lungsod dahil karamihan sa kanila ay taga-karatig siyudad, pansamantala n’yang pinapayagan ang mga ito na magtinda pero sa gabi lang. Subalit, aniya, kapag nag-full blast na ang construction ng SM, sorry sorry na lang sa kanila dahil dapat maluwag na ang nasabing lugar.
Ayos ‘yan, Chief Larry, saludo kami sa determinasyon mo na maiayos ang daloy ng trapiko sa buong Caloocan. Tunay na hindi nagkamali si Mayor Oca Malapitan sa pagpili sa iyo para pamunuan ang DPSTM. Mabuhay ka! GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO