KUNG ikukumpara mo itong bagong District Director ng Quezon City Police Director na si Sr. Supt. Joel Pagdilao sa kanyang mistah na si dating QCPD Director, Chief Supt. Richard Albano, ay masasabing malaki ang pagkakaiba.
Unang-una, itong si Col. Pagdilao ay kabaligtaran ni Gen. Albano na palangiti at palabati.
At dahil sa pagiging seryoso at tahimik ni Col. Pagdilao, napagkakamalan itong suplado, pero sa totoo lang napakabait at napaka-low profile ng mamang ito.
Noong Deputy Director for Administration pa si Col. Pagdilao ni Gen. Albano ay naaalangan din akong batiin ito dahil iniisip ko na baka hindi ako pansinin at nakahihiya lang hanggang sa bigla na lang kaming nag-usap.
Mula noon, inobserbahan ko na ang bagong DD at doon ko natanto na wala rin pala itong ipinagkaiba kay Gen. Albano na kalog at pala-kwento.
Kaya kuwidaw kayong mga kriminal dito sa Quezon City dahil itong bagong DD ng QCPD ay marami nang ginibang malalaking sindikato. Hindi ba may kasabihan nga tayo na “ang taong tahimik ay mapanganib?” Kaya huwag ninyong susubukan itong si Col. Pagdilao, ang nakababatang kapatid ni ret. Gen. at dating hepe ng PNP-CIDG at ngayo’y Congressman Sammy Pagdilao.
Magaganda ang naging accomplishment ng QCPD sa pamumuno ni dating QCPD director, Gen. Albano sa tulong din ni Col. Pagdilao. Kaya asahan nang hindi lang mapapantayan ng bagong QCPD-DD kundi posibleng malampasan pa nito ang nagawa nila ni Gen. Albano.
oOo
Araw-araw ay nakatatanggap ang Lily’s Files ng reklamo tungkol sa kagaspangan ng pag-uugali at pagiging abusado ng ilang kagawad ng Philippine National Police na dahil sa takot ay ayaw nang magreklamo ang mga nabibiktima.
Tulad na lang ng pulis na nakatalaga sa NCRPO na si POI Conceso Mirasol, Jr. na sinasabing may hawak ng mga tanod at adik sa Gagalangin, Tondo, Manila.
Ayon sa reklamo ng isang lalaki, tinutukan siya ng baril ni Mirasol at nagbanta pang papatayin ‘pag pumalag sa gusto niyang mangyari.
Si Mirasol ay may gusto raw sa asawa ng nagreklamo, kaya ito tinutukan ng baril dahil pumalag ito na tangayin ng pulis ang kanyang asawa.
Wala raw bukambibig si Mirasol kundi malakas siya sa kanyang CO sa RPHAU ng NCRPO at mga opisyal ng Bicutan kaya kahit ano ang gawin niya ay hindi siya kayang tibagin.
Kung totoo ang mga akusasyon na maraming kaso laban kay Mirasol, aba eh, dapat doon ka sa opisina ni PNP Chief Alan Purisima o kaya ay ipadala na lang ni PNP Chief sa Mindanao para makita kung gaano ito katapang.
Ang kapal ng mukha mo, POI Conceso Mirasol, Jr.
Maghanap ka ng babae na walang asawa hindi ‘yung tatangayin mo ang asawa ng may asawa.
Ikaw na nga ang nang-agrabyado, ikaw pang nanutok ng baril.
Hay naku, tanggalan kaya ng baril ang mga pulis na abusado?
Palagay ko ang babait ng mga ito na parang hindi makabasag pinggan. LILY’S FILES/LILY REYES