NAHAHARAP sa napakaraming emergency ang mahal kong Pinas. May mga lokal at may mga dayuhan.
Kabilang sa mga lokal na emergency ang napipintong problema sa kuryente, libo-libong evacuee sa pumuputok na bulkang Mayon at daan-daang libong pasahero ng Metro Rail Transit.
Itinuturing namang emergency na lokal at internasyonal ang sakit na ebola kahit sinasabing hindi pa ito nakapasok sa Pinas.
EMERGENCY POWER NOW NA
Mismong si Pangulong Noynoy Aquino na ang humihiling sa Kamara at Senado na bigyan na siya ng emergency power para mapag-handaan umano ng pamahalaan ang kakapusan na tinatayang nasa 300-400 megawatts na kuryente sa 2015.
Iniisip natin, mga Bro, baka hindi lang sa mga buwan na kalakasan ng paggamit ng kuryente ang sasakupin ng emergency power na ito.
Baka magiging tuloy-tuloy na ang kakapusan ng kuryente magsisimula sa susunod na taon dahil sa kinakapos na talaga rito ang buong bansa sa paglaki ng populasyon at paglago ng ekonomiya… “raw.”
At mabilis ang tugon ng mga walang nagawa sa nakalipas na apat na taon sa pagpapaunlad sana ng industriya. Nakahanda na umano ang P4-P10-bilyon na gagastusin ni PNoy mula sa misteryosong Malampaya fund para sa emergency.
Maaari umanong pambili o pang-arkila ng generator, pambayad sa kuryente ng mga malalaking establisimyento na may sariling generator, pampaandar ng mga planta ng gobyerno na sira at iba pa.
ILANG TANONG
Kung handang balikatin ng pamahalaan ang gastos sa kuryente ng mga malalaking kumpanya sa mga panahon ng krisis, mayroon din bang katulad na aksyon ang gobyerno pabor sa mga mamamayan?
Lalo na’t posibleng magmahal ang kuryente sa pagsasamantala sa krisis ng mga kumpanya ng kuryente mula sa paglikha ng kuryente, pagpapadaloy nito sa mga kawad at distribusyon nito?
Batay sa katotohanang nananatili ang pandarambong at korapsyon sa Matuwid na Daan, sino-sino ang mga magkakapera sa mga magiging kontrata sa paggamit ng P4B-P10B Malampaya fund sa pagbili ng mga generator, pagbili ng langis para sa mga ito, paglibre sa kuryente ng mga malalaking kumpanya at iba pa?
EBOLA EMERGENCY
Naniningil ang United Nations ng pautang na loob nito sa Pinas kaugnay ng bagyong Yolanda at sakit na ebola. Sabi ng UN, tumulong ito sa Pilipinas nang dapurakin ito ng bagyong Yolanda kaya dapat lang na magpadala naman ang Pinas ng tulong sa mga biktima ng ebola sa West Africa.
Pinangangasiwaan ng UN ang pandaigdigang kampanya laban sa ebola at katuwang nito ang Doctors Without Borders na isang pribadong organisasyon.
Ni ho, ni ha ay wala tayong narinig mula kay PNoy o taga-Department of Health.
Nagkakatakutan ba?
Ang pag-asa na lang ay ang Philippine Red Cross na isa ring pribadong organisasyon.
Wala sa isipan nina PNoy at ng DOH officials na sina Enrique Ona at dancing queen Eric Tayag na tulungan na hindi mahawa sa sakit ang may 4,000 overseas Filipino worker sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea at 7,000 OFW sa Nigeria.
Onli in da Pilipins.
EMERGENCY SA MRT
Ipinipilit ng gobyerno, lalo na ang Department of Transportation and Communications, na ligtas pa rin ang Metro Rail Transit kahit na maya-maya ay napuputol ang mga riles nito, may depekto ang mga bagon at preno at iba pang mga depekto.
Hindi man sinasabi ng gobyerno, hindi nito kayang remedyuhan ang sasakyan ng nasa 500,000 pasahero ng MRT araw-araw at pilit na pinatatakbo ang tren sa gitna ng malaking panganib sa pagkakadiskaril nito.
Nakaranas na ang MRT ng diskaril sa Pasay City at marami ang nasugatan at may mga nabalda pa. Maaaring mas masahol ang maganap kung madidiskaril ang tren habang namamasada sa itaas at bubulusok ito sa EDSA na karaniwan ay nagiging parking lot sa araw.
Maaari ring magkaroon ng banggaan ng mga tren sa pagkawala sa linya ang mga ito sa pagkaputol ng mga riles.
Tiyak na marami ang mamamatay.
Ang korapsyon at pandarambong mula sa paggawa hanggang sa mantinansya ang dapat na kabilang sa mga silipin kung nais ng pamahalaan na gawan ito ng epektibong remedyo.
Subalit dapat na unahing gawan ng aksyon ang 10-taon nang walang matinong repair at mantinansya sa tren upang makatiyak ang lahat ng kaligtasan.
Dapat na ring mag-isip ang pamahalaan ng emergency na transportasyon sa nasa 500,000 kataong pasahero na apektado sa oras ng pagkakadiskaril ng tren.
EMERGENCY SA MAYON
Alam ng panlalawigang pamahalaan ng Albay na magtatagal ang problema sa evacuation ng mga Albayono dahil sa pagputok ng bulkang Mayon. Kaya naman, tama lang ang paghiling nila ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.
At lalong magkakaroon sila ng problema kung ipatutupad nila ang balaking bunutin na lahat ang mga Albayano sa mga danger zone sa lugar.
Tiyak na libo-libong pamilya ang madidiskaril ang pamumuhay at tahanan kung magtatagal ang evacuation at paglilipat-lugar ng mga mamamayan.
Maituturing naman talagang emergency ang kalagayang ito.
Mahirap mabuhay sa gutom, noodles, kawalan ng ikabubuhay at kawalan na rin ng kinabukasan ang libo-libong pamilya dahil sa pagputok ng bulkan at paglilipat-bahay sa mga ito.
Napag-iisipan na ba ng pamahalaan ang mga pupwedeng gawin nito?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
