SA pag-angat ng rating kaugnay sa pagbabalik ng tiwala ng mamamayan sa Bureau of Customs, pinasalamatan at kinilala ng hepe ng ahensiya na si Commissioner Ruffy Biazon ang walang humpay na suporta ng kanyang mga opisyal at tauhan sa kampanya laban sa katiwalian at pagwawalis ng smugglers.
Kaya naman dahil sa patuloy na pagsuporta ng kanyang tanggapan sa adbokasiya ni Pangulong Benigno Aquino III na pagtahak sa “daang matuwid” ay itinuring niyang hamon sa kanyang kakayahan ang pagbalasa sa kanyang mga pinuno ng tanggapan.
Naniniwala si Biazon na kahit sino pa ang maupong puno ng tanggapan kung hindi patataasin ang moral ng mga opisyal at tauhan ay mapupunta sa wala ang mga paghihirap sa pagpapatupad ng pagbabago at pagtutuwid ng landas ng bawat isa.
Kasabay nang pagpapatupad ng mga makabagong sistema ang pagpapaangat ng moral ng mga tao sapagkat malaki ang paniwala niya na hindi lang modernisasyon ang daan para sa pagbabago ng pamamalakad sa gobyerno kundi kailangang buhayin ang kabutihan na nasa dugo ng bawat tauhan.
Tama naman si Biazon nang sabihin niya na hindi lang ang organisasyon ang nangangailangan ng reporma kundi maging ang pagkatao ng mga bumubuo nito kaya naman iyon ang kanyang sinimulan. Saludo ako sa paniniwala mo, Commissioner Biazon. Sa paniniwala mo sa kakayahan ng iyong mga tao magsisimula ang pagbabago.
oOo
Isa pang nasilayan ng Pakurot ang magandang pamamalakad ng kasalukuyang warden ng Manila City Jail na si Supt. Lyndon Torres nang papasukin ako sa loob ng nasabing kulungan.
Biglaan ang pagpunta ko sa lugar subalit nagulat ako nang makita ang napakalinis at maaliwalas na kapaligiran. Lahat ng preso ay abala sa kanilang araw-araw na gawain upang hindi mainip.
Mas lalong nagulat ang inyong lingkod nang masaksihan ang Lakan Lyndon Torres 1st Basketball Tournament na ginanap mismo sa basketball court ng kulungan kung saan isa ang artistang si Maui Taylor sa muse ng isa sa 23 koponan na lumahok noong Pebrero 18, 2013.
Malaki ang paniniwala ko na magtatagumpay si Col. Torres sa kanyang layunin na magkaroon ng maayos na samahan sa paglalaro ng personnel ng Bureau of Jail Management and Penology at mga preso.
oOo
One of my precious jewels Althea Mareyaune had turned 1 last February 20. Happy Birthday Yaw-yaw. Mommy loves you very much.