NAGMANA ba itong si Pangulong Aquino sa utol niyang si Kris? O si Kristeta ang may pinagmanahan sa kanya…sa pagiging taklesa.
Aba’y kung taklesa pala itong si Kris, mas taklesa pa pala si PNoy.
Kumbaga, para siyang “kiss and tell”.
Ibinuking ni PNoy si Vice-President Jojo Binay na ang Pangalawang Pangulo raw ang humiling na makapag-usap sila sa Malacañang kamakailan. Natupad naman ang pag-uusap na inamin ng Malacañang.
Ibrinodkas naman sa media ni Binay na ayos na sila ng Pangulo matapos ang pag-uusap na iyon.
Gusto kasing inggitin ni Binay si DILG Sec. Mar Roxas na silang dalawa ni PNoy ay oks na oks pa kahit nagkakabatuhan ng putik. At gusto marahil palabasin ng Pangalawang Pangulo na posibleng siya ang manukin o basbasan ni PNoy sa 2016 presidential elections.
Pero may kadaldalan nga ang mahal nating Pangulo.
Kulang na lang ay ipagsigawan ni PNoy na sinungaling si VP Binay nang isapubliko niya na ang Bise-Presidente ang nag-text at lumapit sa kanya para pakiusapan daw na ipaatras sa DOJ ang hakbang nitong siyasatin ang usapin ng katiwalian at ill-gotten wealth ng mga Binay.
***
Hindi lang may pagkataklesa, may pagkautak benggador din si PNoy.
Aba’y sa harap ng foreign media, nagbanta ang Pangulo sa kanyang mga kritiko at sa mga taong nagkaso at magkakaso sa kanya na reresbakan niya ang mga ito kapag wala na siya sa poder.
Kung hindi ba naman anak ng kulugo talaga!
Nananakot ba itong si PNoy na huwag siyang susubukan? O ginagawa niya ito para hindi talaga siya kasuhan ng sandamakmak kapag wala na siya sa puwesto?
Mukhang alam na ni PNoy na kapag wala na siya sa Malacañang ay tatadtarin siya ng mga kaso…at posibleng maging dahilan ng kanyang pagkakulong DIN.
Sa tingin ba niya, magkakandaugaga pa siya kung sakali ngang ulanin siya ng sari-saring asunto?
Kaya galingan mo na, mahal naming Pangulo.
Linis-linisin n’yo na po ang mga kalat ninyo r’yan at baka magkatotoo ang kinatatakutan n’yo.
Napaghahalata pong natatakot kayong makulong sa mga kasong pandarambong…kung meron man. KANTO’T SULOK/NATS TABOY