NAKATATAK na sa isipan ng bawat Filipino ang petsa 8 ng Nobyembre at ito’y hindi kailanman makalilimutan ng kahit na sinong Filipino dahil sa rami ng mga nasawi nating kababayan ng manalasa ang super-typhoon Yolanda sa Kabisayaan.
November 8, 2013 nang hagupitin ng bagyong Yolanda ang Visayas Region at sa unang anibersaryo nito ay marami pa ring katanungan ang hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin at hindi masagot-sagot ng mga nasa gobyerno.
Sa loob ng isang taon mula nang manalasa ang bagyong Yolanda ay wala pa ring nagbago sa kabuhayan ng ilan nating kababayan sa Visayas Region na naging sentro ng super bagyo.
Hanggang ngayon ay hindi pa masabi ng gobyerno kung ilan talaga ang mga namatay sa bagyong Yolanda.
Bakit hindi sabihin ang totoo kung ilan ang namatay, bakit kailangang itago ito ng gobyerno?
Tinanong ng ilan nating kababayan sa Ormoc at Tacloban City ang inyong lingkod kung saan daw napunta ang perang mga donasyon ng iba’t ibang bansa dahil mga foreign aid lang daw ang nakararating na tulong sa kanila.
Hindi raw nila naramdaman na may dumating na ayuda sa kanila galing sa gobyerno at kung mayroon daw ito ay groceries na expired at sira-sira na at halos hindi na nila makain.
Ngayong unang anibersaryo ng pananalasa ng super bagyong Yolanda ay muli na naman nating nasaksihan ang mga foreign country at iba’t ibang NGO na gumugunita sa napakamalagim na trahedya na dinanas ng ating bansa.
Habang abalang-abala ang mga dayuhan at NGO sa paggunita sa masaklap na trahedya sa Kabisayaan ay nagpahayag naman ang Pangulong Aquino na hindi siya pupunta sa Tacloban City, para dalawin ang mga nasalanta ng bagyo.
Ang tanong dito ay bakit?
Dahil ba takot ang Pangulo na harapin ang iba’t ibang kilos-protesta na sasalubong sa kanya pagdating niya ng Tacloban City?
O gusto lang niyang iparamdam sa mga taga-Tacloban na Aquino siya at hindi Romualdez? O kaya ay nahihiya siya sa kanyang sarili dahil pinabayaan niya ang mga biktima ng Yolanda.
Katwiran ng Pangulo ay wala siyang panahon para pumunta sa Tacloban gayong ilang kilometro lang ang layo ng Guiwan, Samar sa Tacloban kung saan ito ang pinuntahan niya. Politika pa rin ang nangingibabaw rito.
Dapat sana sa mga ganitong sitwasyon ay ipinaramdam ng Pangulo na anoman ang kulay ng mga taga-Tacloban, mga Filipino pa rin sila. Kawawang mga taga-Tacloban lugmok na ay lalo pang binabaon.
Hindi man maramdaman ng mga Yolanda survivor ang tulong ng gobyerno ay kailangan nating mga Filipino na magkaisa at magsama-sama at ipakita sa buong mundo na tayong mga Filipino ay nagtutulungan. LILY’S FILES/LILY REYES