NOONG nakaraang linggo ay ginunita ng bansa ang bangungot na dala ng super typhoon Yolanda sa maraming bahagi ng Kabisayaan noong Nobyembre 8, 2013.
At gaya ng inaasahan ay nasentro ang mga programa sa mga lalawigan at lungsod na lubhang napinsala ng bagyo tulad ng Tacloban City at Guiuan, Eastern Samar na siyang dinalaw ni Pangulong Noynoy Aquino.
Pero sa totoo lang, maliban sa Samar at Leyte, marami pa ring ibang lalawigan ang lubha ring napinsala ng nasabing bagyo, subalit hindi nga lang masyadong nabibigyang-pansin ng media.
Kaya naman bilib ako sa ginawa ng retail and property giant na SM Prime dahil sa pamamagitan ng SM Cares, ang corporate social responsibility arm nila, ay mas pinili nilang tulungan iyong mga lugar na hindi masyadong napapansin ng pamahalaan at maging ng mga international donor.
At isa sa mga lugar na napili nilang nilang tulungan sa pamamagitan ng pagtatayo ng matitibay na bahay ay ang mga biktima mula sa Bgy. Polombato, Bogo City, Cebu.
Lingid kasi sa kaalaman ng marami ay napakarami ring nasirang buhay at mga pangarap si Yolanda sa nasabing lugar, kaya minabuti ng SM Cares na roon magbigay ng tulong.
Ang maganda pa rito ay hindi basta mga bahay ang ipinatayo rito dahil ang mga ito ay kayang labanan kahit ang category 5 na bagyo dahil yari sa matitibay na bakal at semento ang nasabing mga tahanan at higit pang mas matibay kaysa sa itinatakda ng national building code.
Ibinigay na ng SM sa mga benepisyaryo nila ang mga susi ng bahay noong nakaraang araw ng Linggo, Nobyembre 9, kaya naman laking pasalamat ng mga tao sa kanila.
Naging posible ang proyekto dahil na rin sa P200-milyong kaloob ng mga taong may mapagkawang-gawang kalooban dahil na rin sa suporta nila sa mga proyekto ng SM.
Kaya naman masasabi ko na tiyak na magiging mas masaya ang Pasko ng mga biktima sa nasabing lugar dahil sa nakapakagandang regalo na ito ng SM sa kanila. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO