ATRAS si Bise-Presidente Jejomar Binay sa nakatakda sanang debate laban sa kanyang umano’y bayarang kritiko na si Senador Sonny Trillanes, si Binay pa naman ang naghamon.
Husay pa ng palusot ng kampo ni Binay nang ipunto nitong ang pagiging abogado niya kaya nagdesisyon siyang umatras sa bakbakan na matagal nang hinihintay ng kampo ng mga Satanas, este, Senador.
Ganyan din naman noon si Trillanes. Una sa Oakwood tapos sa Manila Pen. Ganda ng mga buga niya noon na animo’y kakana hanggang sa huling hininga tapos, tapos… tapos supot pala.
Sobra pagod ng mga kabaro natin sa media nang naglulupasay sa galit itong si Trillanes. May pagkakataon pa na binalot kami ng takot dahil tila itutuloy ang pagpapasabog. Kunwari lang pala ang supot na iyon!
Uubra ba naman ang bagitong si Trillanes laban sa antigong Binay pagdating sa pamumulitika. Papunta pa lang si Trillanes ay pabalik na si Binay… galing Batangas heehekk ehekk.
Naawa ako rito kay Trillanes dahil maaga pa lang sa pulitika ay nasuong na agad sa ‘di maayos na grupo. Kapag minalas-malas ito baka isang araw karsonsilyo na lang suot nito sa hirap na aabutin.
Paano iyan, nangayaw ang Rambotito? Hindi pumatol sa pain ng tatlong itlog gaya nang hindi niya pagdalo sa Blue Ribbon Committee. Ika nga sa larong bilyar ay placing placing muna ang matanda.
Pustahan tayoooooooo… kakana na naman ang Blue Ribbon Sub-Committee. Gagamitin ang isyu na ito para panggatong sa kanilang ginagawang sarswela sa Senado.
Si Binay naman ay iwas-iwas lang. Tago-tago lang at paikot-ikot sa iba’t ibang lugar sa Pinas habang ang iba ay nauubos ang oras sa pagsasagawa ng imbestigasyon kuno.
Kung ako kay Trillanes at maging kay Sen. Alan Peter Cayetano ay titigilan ko na si Binay, buking na buking na ‘yung matanda. Baka lalo pang dumami ang botante niyan dahil sa sobrang pako. Tama na, ayos na e!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
