KAPAG sinuri ang crime rate na nakatala sa Manila Police District (MPD) na nakasasakop sa 11 police station at Criminal Investigation and Detection Unit, sa buong Oktubre, makikitang higit itong mas mababa kumpara sa nakalipas na mga buwan.
Sa halos buong Oktubre, si Sr. Supt. Rolando Nana, acting director ng MPD, ang tumayong giya sa pamamalakad ng nasabing distrito ng pulisya.
‘Pag kausap ang opisyal na ito, hindi mo kakikitaan ng tigas ng kalooban sapagkat napakapino at napakagalang magsalita.
Aakalain mong napakalambot ng kalooban o sa ibang salita ay “may pusong mamon.”
Kaya nga hindi niya mailagay sa puwesto ang mga tao/opisyal na gusto niya o ‘yung mga totoong bata niya sapagkat ayaw niyang makasakit ng damdamin.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay malambot ang kanyang puso.
Matindi ang paninindigan ni Col. Nana kapag usaping trabaho at para sa kaayusan at katahimikan ng Maynila ang pag-uusapan.
Hindi siya pumapayag na madiktahan sa estilo ng kanyang pamamalakad sa mga pulis sa MPD lalo’t nakataya ang karangalan ng Manila’s Finest.
Kaya naman “hands on” siya sa halos lahat ng aktibidades ng kanyang mga opisyal at tauhan sapagkat ayaw niyang malusutan na magiging dahilan upang madungisan ang kanyang pinakaiingatang pangalan.
Para kay Col. Nana, mas mahalaga ang dangal at malinis na pangalan kaysa anomang yaman.
Madalas ang pagbibigay niya ng gabay at magandang halimbawa sa kanyang mga tauhan sapagkat mas nais niyang pamarisan ang kanyang magandang patakaran.
Ang isang maganda pa sa nasabing acting district director ay ang suportang ibinibigay niya sa mga tauhan.
Hindi niya tinatalikuran ang pangangailangan ng mga ito.
Kaya nga nang gawin siyang Officer-in-Charge (OIC) ng MPD noong unang linggo ng Oktubre ay malakas ang panalangin ng mga pulis na sana’y siya na lang ang maging district director.
Patutunayan ni Col. Nana na hindi mabibigo ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na pamunuan ang MPD sapagkat ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang muling mabalik ang ningning ng lungsod na nagsisilbing bintana ng Pilipinas. PAKUROT/LEA BOTONES