NOONG Biyernes ng hapon, naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District tsamba team ang sinasabing presidente ng Jack Liner’s Drivers and Conductors Union sa mismong terminal nito sa Quezon City.
Sinasabing ang naarestong si Noel Fallorina, 50, ng San Pablo, Tarlac City ang nagbebenta ng shabu sa mga driver at conductor ng Jack Liner.
Hindi ba ito na-monitor ng pamunuan ng Jack Liner, dahil ayon sa impormasyon, si Fallorina ay matagal na umanong nagbebenta ng droga sa kanyang mga kasamahan.
Kaya naman pala parang sarili nila ang kalsada kung magpatakbo ng bus ang mga driver ng Jack Liner dahil mga sabog naman pala.
Hmmmmmm, bakit hindi ipa-drug test ang lahat ng mga driver at conductor at alisin ang mga magpopositibo?
Nasa impluwensya raw ng droga si Fallorina kapag nagbebenta ng droga sa mga driver at conductor at kapag wala raw pera ang pagbebentahan ay kanyang pinauutang ng droga at pagbalik galing sa biyahe, saka lang iaawas ang halaga ng nakuha nito sa kita nito.
Hindi ba ito nakita ng mga empleyado ng Jack Liner gayong sa mismong terminal lang ginagawa ang bentahan ng droga?
O baka naman may alam din ang ibang empleyado pero hindi lang kumikibo dahil kumikita rin sa mga pinaggagawa ni Fallorina.
Ayon kay QCPD District Anti-Illegal Drugs (DAID) Chief, Sr. Inspector Roberto Razon, no bail recommended para sa kasong violation of sec. 5 (selling drugs) ang isinampang kaso laban kay Fallorina.
Hindi talaga tumitigil itong grupo ni Razon sa pagsugpo ng droga sa Quezon City kaya tuwang-tuwa naman si QCPD District Director Ssupt. Joel Pagdilao, na talaga namang napakasipag.
Ang pagkakaaresto kay Fallorina ay bunga ng walang kapagurang pag-iikot ni Col. Pagdilao.
Biruin mo namang madaling-araw pa lang ay nasa kalsada na at parang nag-i-inspection sa buong siyudad kaya ang mga station commander ay nakikita na rin sa kalsada na nag-i-inspection din sa kanilang AOR.
Maging ang mga mobile patrol car na dating ayaw umalis sa kanilang unit ay panay na rin ang ikot sa kanilang AOR dahil syempre nahihiya rin sila na nasa kalye ang kanilang DD tapos sila’y tutulog-tulog sa pansitan.
Sa nakikita kung sipag ni Col. Pagdilao, nasabi ko tuloy na hindi nagkamali si dating QCPD Director Gen. Richard Alban, sa pagrekomenda para pumalit sa kanya sa QCPD. LILY’S FILES/LILY REYES